top of page
Search

Alamin mula kay Maestro… Kapalaran ng isinilang sa year of the Tiger

BULGAR

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 11, 2022



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa animal sign na Water Tiger sa taong ito ng 2022.


Tulad ng naipaliwanang na, ang taong 2022 ay paghaharian ng Water Tiger, na magsisimula sa ika-1 ng Pebrero 2022. Maaaring maitanong mo kung ano ba ang mga pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Tiger ngayong 2022.


Kaya kung ikaw ay isinilang sa taong 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010 at 2022, ikaw ay mapabibilang sa animal sign Tiger.


Ang animal sign na Tiger ay siya ring Aquarius sa Western Astrology, na nagtataglay ng planetang Uranus. Dahil dito, inaasahang may malalaki at biglaang pagbabago na magaganap, hindi lamang sa mga pangyayari sa buong mundo kundi maging sa iyong kapalaran.


Kaya asahan mo na ang pagtaas at pagbaba ng graph ng pag-unlad sa aspetong pampinansiyal at materyal na bagay, ngunit muli itong aangat hanggang sa maabot mo ang rurok ng malaking kasaganaan sa buong taong ito ng 2022.


Sa pag-ibig, magkahalong ligaya at lungkot ang susundot sa iyong puso at pagkatao.


Ngunit kung matatagpuan mo ang isang tapat na Kabayo o mapagmahal at malambing na Aso, may pangako ng higit na malinamnam at matatag na pakikipagrelasyon.


Gayunman, ang pinakamapalad na oras para sa Tigre ay mula sa alas-3:00 hanggang sa alas-5:00 ng madaling-araw at mapalad din ang Tigre sa direksiyong silangan at hilagang-silangan o east-northeast.


Kaya kung ang isang Tigre ay gigising nang maaga, uunahan sa pagbangon ang Haring Araw o bandang alas-3:00 ng madaling-araw hanggang alas-5:00 ng madaling-araw, sa katahimikan ng nasabing sandali ay isasagawa na agad ang malalim na meditasyon o pagninilay, kasabay na ilalahad (affirmation) ang kanyang mga pangarap at nais matupad ngayong 2022, tiyak na ito ay maririnig ng langit. Kaya naman walang pagsalang ang mga dinasal at hiniling mo sa nasabing oras ay tiyak na mangyayari at matutupad.


Sa pagdidispley naman ng mga pigura o nililok na bagay na yari sa kahoy sa gawing east at northeast ng kanilang silid, tahanan o business site, tiyak na papalarin ang Tigre.


Samantala, pinaniniwalaan ng mga sinaunang Chinese Astrologers na bagama’t mahirap pakisamahan at unawain ang isang Tigre, kapag ikaw ay may kasamang Tigre sa inyong tahanan, walang duda na maiiwasan ng nasabing bahay ang tatlong pangunahing sakuna; sunog, pagnanakaw at bad elemental beings. Ibig sabihin, kapag may isang Tigre sa bahay, tiyak na walang magnanakaw, hindi masusunugan at hindi rin dadalawin ng multo o anumang bad spirit ang nasabing tahanan.


Isa sa likas na katangian ng Tigre ang pagiging aligaga, ibig sabihin, palagi siyang parang nagmamadali at maraming ginagawa, pero halos wala namang natatapos. ‘Yun na kasi halos ang likas na buhay ng isang Tigre, ang kumilos nang kumilos, maghabol ng oras at palaging magmadali.


Kaya naman kung matututunan ng isang Tigre na i-manage nang mabuti ang kanyang oras, aktibidades at schedule, hindi lamang sa buong isang linggo o buwan kundi kahit man lamang sa isang araw sa isang taon, walang duda na siya ay higit na magtatagumpay at mas maraming gawaing matatapos.


Sinasabi ring ang isa pang katangiang dapat na isaalang-alang ng Tigre ay ang pagiging mabilis magpasya. Kaya naman minsan ay nawawala sa lugar ang kanyang mga ikinikilos, proyekto at inaaturga. Gayundin, pinaniniwalaan na kung matututunan ng Tigre ang ugali ng kaibigan niyang Tandang na mahusay magplano at bago gawin ang isang bagay ay maingat at pinag-iisipang mabuti, matitiyak na ang magiging reasulta ay matumpay, mas masagana at maligayang buhay para sa Tigre.


Itutuloy


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page