ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| August 1, 2022
Bilang kaibigan, natural nating response ay tumulong sa friendship nating may pinagdaraanan.
Mapa-breakup, problema sa pamilya, health issue o anumang pinagdaraanan nila, gusto nating sumuporta sa kanila, pero may pagkakataong hindi natin alam kung paano ipapakita o ipaparamdam ang suportang ito.
Ang ending, kahit genuine naman ang intensyon nating maging karamay, feeling natin ay hindi tayo nakakatulong. Kaya naman, para sa mga beshies natin d’yan, narito ang ilang paraan para suportahan ang problemadong kaibigan:
1. YAYAING LUMABAS. Kung hindi mo alam kung ano ang dapat mong gawin o sabihin sa kanya, yayain mo muna siyang lumabas. Ayon sa mga eksperto, napakasimple lamang nito, pero sobrang epektib. Inirerekomendang bigyan siya ng atensyon dahil sa ganitong paraan, mararamdaman niyang may kaibigan na nagmamahal at umaalalay sa kanya.
2. MAKINIG MUNA. May mga pagkakataong gusto nating mag-advice dahil sa tingin natin ay kailangan niya ito, pero minsan ay mas okay na makinig muna tayo at hayaan silang sabihin ang kanilang nararamdaman. Bagama’t nakaka-tempt naman talagang magbigay ng advice o maghanap ng solusyon sa kanilang problema, let’s try our best na makinig nang hindi natin sila hinuhusgahan at kapag nanghingi sila ng advice, saka lamang tayo magbigay ng payo.
3. I-VALIDATE ANG FEELINGS NIYA. Halimbawa, sinabi niya sa iyo ang problema at sinabing natatakot siya, ang tamang response para rito ay, “Talagang mahirap ‘yan at naiintindihan ko kung bakit ganyan ang nararamdaman mo. Nandito lang ako para makinig.” Ayon sa mga eksperto, maraming paraan para maging better listener sa iyong kaibigan. Isang halimbawa ang pag-recap ng mga sinabi niya sa iyo dahil magandang paraan umano ito upang maipakita sa kanya na talagang nakikinig ka sa mga sinasabi o hinanakit niya
4. UMIWAS SA MGA CLICHÉ. Sa totoo lang, marami namang advice na okay pakinggan, pero hindi talaga nakakatulong. Kaya naman, mas okay pang sabihin ang totoo ‘pag hindi mo talaga alam ang dapat mong sabihin.
5. TULUNGAN SIYA SA MGA GAWAIN. Kung masyadong busy ang kaibigan mo dahil sa kanyang mga problema, oks ding mag-offer ng tulong sa kanyang mga gawin. Halimbawa, itanong mo kung may kailangan ba siyang bilhin sa grocery o kailangan niya ng kasama sa bahay. Malaking tulong ito upang makabawas sa kanyang stress, gayundin, upang malaman niya na mahalaga siya sa iyo.
6. MAGTANONG KUNG PAANO KA MAKAKATULONG. Kung sakaling hindi ka sigurado kung paano tutulong, oks ding itanong mismo sa kanya kung ano ang mga kailangan niya. Iba’t iba ang needs at paraan ng mga tao para mag-cope sa problema. Minsan, kailangan nila ng kaibigan na makikinig at magpapayo, habang may mga tao rin namang mas gustong mapag-isa. Kaya naman, inirerekomenda ng mga eksperto na ibigay ang anumang gusto ng iyong kaibigan.
Sabi nga, walang perpektong paraan para makatulong sa kaibigan nating dumaranas ng pagsubok, pero maraming paraan para iparamdam sa kanila na handa kang tumulong at hindi sila nag-iisa sa laban na ‘yun.
Kaya naman, make sure to try these tips kung gusto mong makatulong sa iyong kaibigan na may pinagdaraanan.
Gets mo?
Commentaires