ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 22, 2021
Dear Doc. Shane,
Madalas akong kabagin kaya nais ko sanang malaman kung ano ang puwedeng ipanggamot na mabibili over-the-counter? – Gemini
Sagot
Bagama’t may ilang over-the-counter na gamot na puwedeng inumin para sa kabag tulad ng simethicone, hindi ito rekomendado na unang hakbang para gamutin ang kabag sapagkat ito ay nawawala nang kusa sa karamihan ng kaso at maraming ibang puwedeng gawin bukod sa gamot.
Ano ang puwedeng gawin bilang lunas sa kabag, bukod pa sa pag-inom ng gamot?
Una ay ang pagtukoy sa mga pagkain sanhi para sumpungin ng kabag. Ang mga karaniwang halimbawa ng mga pagkain na madalas magdulot ng kabag ay gatas, kendi, ilang uri ng gulay, softdrinks, ice cream at iba pa — pero nakadepende ito sa tao.
Tuwing kakabagin, subukang ilista ang lahat ng kinain at ikumpara ito sa mga nakaraang pagkakaroon ng kabag at tingnan kung alin ang mga pagkaing maaaring sanhi ng kabag.
Kung hindi matukoy ang pagkain na nagiging sanhi ng kabag, iwasan ang mga gatas at iba pang produkto na may gatas tulad ng yogurt, ice cream, keso at iba pa. Iwasan din ang mga pagkaing masyadong malansa o mataas sa langis at taba. Bagama’t ang mga pagkaing mataas sa fiber ay maganda sa katawan, kung kinakabag ay subukan ding bawasan pansamantala ang mga ito.
Commentaires