ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | May 1, 2023
KATANUNGAN
Gustung-gusto ko mag-abroad, pero ang daming hadlang. May tutulong naman sa akin, kaso nagdadalawang-isip ako at ‘di ko maintindihan kung bakit wala akong tiwala sa sarili ko.
Sabi ng mga magulang ko, sayang ang pagkakataon dahil papadalhan naman ako ng aming kamag-anak na nasa abroad para maayos ko na ang mga requirements na kailangan at siya rin ang magpapapasok sa akin sa abroad.
Kung sakaling matuloy ako sa abroad, magkakaroon ba ako ng magandang trabaho sa Dubai?
KASAGUTAN
May lalaking natatakot manligaw, pero gusto rin naman siya ng babae, alam ko kung anong nangyari? Dahil inuna niyang matakot, tumandang binata siya! May isang babae naman d’yan na dating sexy at maganda, ngunit takot sumugal sa pag-ibig dahil takot maloko, alam mo kung ano’ng nangyari? Tumanda siyang dalaga nang ‘di man lang na-enjoy at naranasang magkaroon ng masayang pamilya. Mayroon ding estudyante na nais paaralin ng kanyang magulang at may kakayahan namang makapagtapos ng kolehiyo, pero dahil takot itong pumasok sa eskuwelahan, hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral at umasa na lang sa kanyang magulang.
Tunay ngang kapag pinangunahan tayo ng takot at sabayan pa ng kawalan ng tiwala sa sarili, Malabo nating maranasang lumigaya at magtagumpay sa ating buhay. Kaya ang pinakamabuti mong magagawa ngayon, Carol, harapin mo ang takot. Lakasan mo ang iyong loob, mag-apply ka pa rin at sumunod sa pinapagawa sa iyo ng kamag-anak mong nasa abroad. Tandaan kung ang paiiralin mo ay tapang at lakas ng loob, tiyak na magiging maligaya ka sa kasalukuyan at magtatagumpay.
Sabi nga, “Ligtas ang bangka sa pampang, ngunit ginawa ang bangka upang pumalaot sa dagat!” Gayundin ang buhay at pagkatao – ginawa ang iyong personalidad upang makipagsapalaran dahil sa ibayong-dagat ka higit na magiging maligaya at uunlad.
Kitang-kita at walang problema dahil ang malawak at malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad ang nagsasabing makakapag-abroad ka. Ibig sabihin, kung mag-a-apply ka na ngayon, walang duda na sa last quarter ng taong ito, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na itatala sa iyong kapalaran.
Ang problema lamang, nagsama ng mahigit isang pulgada ang Life Line at Head Line (Drawing A. at B. L-L at H-H arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, na nagsasabing likas ngang mahina ang iyong loob at kulang sa sigasig at tapang upang sumuong sa mga panganib ng buhay na madali namang kinumpirma at pinatunayan ng birth date mong 2.
At para tumapang, palagi kang sumama sa mga taong nagtataglay ng birth date na 8, 17, 26, 1, 10, 19 at 28 – sila ang unang klase ng mga nilalang na makakatulong at makakasama mo upang madali mong makamit ang tagumpay at kaligayahan sa buhay mo, kaya lagi kang sumama at sumunod sa mga pinapagawa nila. Sa ganyang paraan, ‘pag may sinusunod kang tao o may nag-uudyok sa iyo, mas madali kang mananaig, uunlad at mag tatagumpay.
MGA DAPAT GAWIN
Ang pag-aalinlangan sa puso mo ay hindi na mawawala dahil nasa sistema na ‘yan ng iyong pagkatao. Pero kung babaguhin mo ang iyong lagda at papagandahin ito, mababago ang iyong kapalaran, lalakas na ang loob mo.
Paano mo naman babaguhin ang iyong lagda? ‘Wag mong ibalikwas sa direksyong kaliwa ang pinakapaa ng letrang “a”, na naging dahilan upang mababoy ang iyong lagda na parang binurara. Sa halip, ang pinakamagandang pagbabago ng pirma ay ‘wag mong ibalikwas sa direksyong kaliwa ang huling letra o pinakapaa ng letrang “a”, bagkus, pasibatin mo sa direksyong kanan, pataas ang hulig stroke ng letrang “a” o gawin mong straight line.
Sa ganyang pagbago ng lagda, Carol, makikita at mararamdaman mo na kahit pinanghihinaan ka ng loob sa pag-a-apply sa abroad, kusang papabor sa iyo ang kapalaran, habang sa tuluy-tuloy kang susuwertehin. At sa pagsapit ng buwan ng Setyembre hanggang Oktubre sa taon ding ito at sa edad mong 32 pataas, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na itatala sa iyong kapalaran.
Comments