top of page
Search
BULGAR

Alamin: Mga dapat gawin upang maiwasan ang binat sa bagong panganak

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | October 9, 2020




Dear Doc. Shane,

Kapapanganak pa lamang ng aking misis at ang sabi ng aking byenan ay nabinat daw ito. Ano ba ‘yung sinasabi nilang binat at ano ang gamot para rito? – Angelo


Sagot


Ang binat ay ang pagkakaroon ng matinding pagod o panghihina ng katawan na madalas nararanasan pagkatapos manganak. Nagkakaroon ng binat ang kakapanganak pa lamang dahil sa matinding trauma na nangyari sa kanilang katawan dahil sa panganganak, at hindi nagkaroon ng panahon para makapagpahinga.


Kadalasan, ang mga sumailalim sa caesarean section ay nakararanas ng binat, lalo na at ito ay major operation.


Ang iba ay nagsasabing konektado ang postpartum depression sa pagkakaroon ng binat, ngunit hindi pa rin tiyak kung bakit nagkakaroon ng binat ang mga inang may postpartum depression. Ang anemia o pagkakaroon ng mababang bilang ng red blood cells sa dugo ay posibleng maging sanhi ng binat.


Sintomas ng binat na kailangang bantayan:

  • Pagkakaroon ng matinding sakit ng ulo

  • Nakararamdam ng pagkaginaw

  • Mataas na lagnat

  • Paggalaw ng mga ugat sa katawan, lalo na sa mga mata

  • Pagdurugo ng sugat pagkatapos manganak

  • Madalas na pagkahilo at pagsusuka


Ano ang puwedeng gawin para maiwasan ang binat?

  • Magpahingang mabuti. ‘Wag puwersahin ang sarili, dahil importanteng magkaroon ng panahon upang makapagpahinga at manumbalik ang lakas ng iyong katawan.

  • · Matutong mag-relax. ‘Wag masyadong ma-stress, dahil ito ay nagdudulot ng pagod at hirap sa iyong katawan.

  • Kumain ng masustansiyang pagkain. Ang wastong pagkain ay importante upang maging malakas ang katawan at upang makabalik sa dating lakas.

  • Makatutulong ang prutas na mayroong fiber upang mapalambot ang iyong dumi. Dahil minsan, nagkakaroon ng matinding sakit sa puwerta ng ina kapag dumurumi, lalo na kung hindi pa gumagaling ang sugat ng panganganak.

  • 'Wag mahiyang humingi ng tulong sa iyong asawa o kamag-anak, lalo na sa pag-aalaga sa iyong anak. Importanteng magkaroon ng panahon na matulog at magpahinga at ‘wag akuin ang buong responsibilidad sa pag-alaga ng iyong anak.

  • Kung mayroong postpartum depression, ‘wag mahiyang humingi ng tulong sa doktor o therapist. Hindi ka nag-iisa, at maraming ina ang nakararanas ng ganitong kondisyon. Walang dapat ikahiya o ikatakot, dahil mas importante ang iyong paggaling.


Ano ang gamot sa binat?


Maiiwasan ang pagkakaroon ng binat kung pangangalagaan ang katawan at uugaliin ang healthy mental care ng ina. Sa ganitong paraan, mapabababa natin ang risk ng pagkakaroon ng binat at iba pang uri ng kondisyon na karaniwang nararanasan ng mga bagong panganak.


Kung may pangamba sa iyong kalagayan, ‘wag magdalawang isip na kumonsulta sa doktor upang mabigyan ng paalala at dapat tandaan pagkatapos manganak.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page