top of page
Search
BULGAR

Alamin: Mga dahilan ng pagtaas ng timbang

ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | July 27, 2021




Dear Doc Erwin,


Ako ay 31-anyos at nagtatrabaho bilang writer sa pribadong opisina. Sa buong maghapon ay nakaupo lamang ako at nagsusulat at habang sumusulat ay hilig kong kumain. Napansin ko sa paglipas ng ilang taon ang pagdagdag ng aking timbang. Ang aking height ay 5 feet 4 inches at ang kasalukuyang timbang ay 186 pounds. Ano ang mga dahilanan ng pagtaba? Ano ba dapat ang aking tamang timbang? At ano ang maaari kong gawin upang mabawasan ng timbang? – Rene S.



Sagot


Maraming salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc. Tungkol sa inyong unang katanungan, ayon sa National Health Service (NHS) ng England maraming kadahilanan kung bakit ang tao ay tumataba o nagiging overweight at obese. Ang pinakamadalas na dahilan ay pagkain ng sobra sa kailangan ng ating katawan at ang hindi pagkilos o pag-e-exercise ng sapat.


Ayon sa National Health Service (NHS) ng England ang karaniwang lalaki na aktibo ay nangangailangan ng 2,500 calories sa isang araw upang mapanatili ang malusog na pangangatawan at timbang. Sa babae naman ay mahigit kumulang na 2,000 calories. Ang pagkain ng mahigit dito ay mangangahulugang ang karamihan sa sobrang calories na ating kinain ay iniipon ng katawan bilang fat or taba.


Marami pang maaaring maging dahilan ng pagtaba ayon sa NHS. Ang pagkain ng maraming processed at fast food na naglalaman ng maraming taba (fat) at asukal (sugar), at ang pag-inom na labis na alak at inuming matamis ang iba pang dahilan kung bakit tumataba ang tao. Ang taba at asukal sa mga pagkain at inuming na nabanggit ay mataas sa calories.


Maaari ring genetic ang dahilan ng pagtaba ayon sa Center for Disease Control (CDC) ng Amerika. Ang ating mga genes ang nagbibigay ng “instructions” sa ating katawan upang mag-respond sa ating environment. Ang pag-iiba o variation ng ating genes ay maaaring magdulot ng madalas na pagkagutom at madalas na pagkaing dahilan ng pagtaba hanggang humantong sa sobrang pagtaba o obesity. Kung nagkaroon ng pagbabago sa gene, ito ay tinatawag na monogenic obesity at kung maraming genes ang apektado at may iba pang kadahilanan, ito ay tinatawag na multifactorial obesity.


Isang genetic condition sa tao na binaggit ng National Health Service (NHS) ng England na maaaring maging sanhi ng pagtaba o obesity ay ang Prader-Willi syndrome kung saan mayroong nawawalang genetic material sa chromosome number 15. Ang pagkawala ng genetic material na ito ay nakakaapekto sa isang parte ng ating brain na tinatawag na hypothalamus. Ito ay nagpo-produce ng hormones at ang nagko-control ng paglaki at ating appetite. Dahil sa pagkawala ng genetic material na nabanggit ay nawawalan ng control sa pagkain at hindi lumalaki ang indibidwal na may Prader-Willi syndrome.


May mga medical conditions na maaaring maging sanhi ng pagtaba. Isa na ang tinatawag na hypothyroidism kung saan ay hindi gaanong aktibo (underactive) ang thyroid gland na nagiging dahilan ng kakulangan ng thyroid hormones. Ang mga sintomas ng hypothyroidism ay madalas na pagkapagod, depresyon at ang pagtaba.


Ang Cushing’s syndrome ay isa pang sakit na maaaring maging kadahilanan ng pagtaba. Sa sakit na ito ay may overproduction ng steroid hormones ang katawan dahil sa tumor sa pituitary gland sa utak o sa adrenal glands. Maaari rin magkaroon ng sakit ang pasyenteng matagal nang umiinom ng steroid medicine. Ang mga senyales ng Cushing’s syndrome ay pagtaba ng katawan, ngunit nanatiling payat ang mga braso at binti. Nagkakaroon din ng pag-ipon ng taba sa dibdib at tiyan, ganun din sa likod, leeg at balikat. Ito ay tinatawag na “buffalo hump”. Ang mukha naman ay mapula at minamanas.


Ang mga gamot ay maaari ring maging dahilan ng pagtaba. Una ng nabanggit sa itaas ang mga steroid medicines tulad ng corticosteroids ay maaari maging sanhi ng pagtaba. Ayon sa National Health Service (NHS) ng England ang pag-inom ng gamot sa epilepsy at sa diabetes, gayundin ang mga gamot na anti-depressants at gamot sa schizophrenia maaari rin maging sanhi ng pagbigat ng timbang. Kinakailangang kumunsulta sa inyong personal na doktor upang malaman kung ang inyong gamot na iniinom ay maari maging dahilan ng pagtaba o obesity.


Sa susunod na artikulo ay sasagutin natin ang iba pa ninyong katanungan tungkol sa tamang timbang (body weight), kung kayo ay overweight o obese, at kung paano n’yo mababawasan ang inyong timbang.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page