top of page
Search
BULGAR

Alamin: Kahalagahan ng Selenium sa paglaban sa HIV

ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | November 16, 2021





Dear Doc Erwin,


Ako ay 20 years old, college student at kasulukuyang nakatira sa housing facility ng unibersidad. Noong nakaraang buwan ay nagpakonsulta ako sa aming university infirmary.


Matapos ang mga diagnostic examinations ay nalaman na may problema ako sa thyroid gland. Inirekomenda ng doktor na ako ay kumain ng pagkaing mayaman sa selenium at uminom ng selenium supplement. Ano ang selenium at ano ang maitutulong nito sa aking thyroid gland at sa aking kalusugan? – Rina Shane, DLC


Sagot


Maraming salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ang Selenium ay mineral na kinakailangan ng ating katawan. Ito ay tinatawag na “trace” mineral dahil kaunti lamang ang kailangan ng ating katawan. Bagama’t kaunti lamang ang kailangan, ito ay mahalaga sa maraming bagay na nagpapanatili ng ating kalusugan.


Isa na ang role nito sa reproduction at metabolism ng thyroid hormones. Dahil nakitaan ka ng problema sa thyroid gland, ito marahil ang dahilan kung bakit inirekomenda ng iyong doktor na kumain ng mga pagkaing mayaman sa Selenium at uminom ng Selenium supplement.


Ang Selenium ay makikita sa ating skeletal muscles, at sa thyroid gland kung saan mataas ang concentration nito. Ito ay dahil maraming enzymes sa ating thyroid gland na nangangailangan ng Selenium na nagpapanatili ng normal functioning ng ating thyroid gland.


Ayon sa Food and Nutrition Board (FNB), ang Recommended Dietary Allowance (RDA) para sa edad 14 pataas, babae man o lalaki ay 55 micrograms araw-araw. Sa mga buntis ay 60 micrograms at sa mga nagpapasuso naman ay 70 micrograms. Kaya’t sa edad mo na 20, kailangan mo ng hindi bababa sa 55 micrograms na Selenium araw-araw.


Upang makamit mo ang 55 micrograms na Selenium araw-araw ay nararapat na kumain ka ng mga pagkain na mayaman sa Selenium, tulad ng brazil nuts, shell fish, isda, itlog at mga karne ng baka o manok. May cereals at tinapay din na fortified with Selenium.


Ang Brazil Nuts ang may pinakamataas na content ng Selenium. Ang 6 hanggang 8 na Brazil Nuts ay naglalaman ng 544 micrograms ng Selenium. Ang yellow fin tuna, isang uri ng isda ay naglalaman naman ng 92 micrograms ng Selenium ang serving. Ang hipon ay naglalaman ng 40 micrograms.


Maaari rin uminom ng Selenium supplement na naglalaman ng hindi bababa sa 55 micrograms per capsule.


Kung hindi makamit ang minimum RDA para sa Selenium araw-araw ay maaaring magkaroon ng Selenium deficiency at magkasakit sa thyroid gland, tulad ng hyperthyroidism o hypothyroidism.


Bukod sa kahalagahan ng Selenium sa function ng ating thyroid gland, mahalaga rin ito bilang antioxidant. Bilang antioxidant, ang Selenium ay tumutulong sa ating katawan upang maiwasan ang inflammation ng nagdudulot ng iba’t ibang sakit, tulad ng arthritis, cancer at cardiovascular diseases.


Sa Cochrane review ng mga prospective observational studies na binanggit ng Harvard School of Public Health, mas mababa ang risk ng mga indibidwal na mamatay sa cancer kung mataas ang level ng Selenium sa kanilang pagkain o mataas ang blood level nila ng Selenium. Mas mababa rin ang risk na magkaroon bladder cancer at prostate cancer sa mga kalalakihan.


Sa pag-aaral na may titulong The Importance of Selenium to Human Health, na inilathala sa scientific journal na Lancet noong July 2000 ay nabanggit ang kahalagahan ng Selenium sa paglaban nito sa HIV upang mapigilan ang AIDS, ganun din ang importansiya ng Selenium para sa sperm motility at mabawasan ang risk for miscarriage.


Sa pag-aaral sa bansang France, kung saan lumahok ang mahigit na apat na libong participants na may edad 45 hanggang 60, nakitaan na mas napapanatili nila ang kanilang memorya kung sila ay iinom ng daily supplements ng Vitamins C, E, A, Selenium at Zinc.


Dahil sa mga nabanggit, kinakailangan natin kumain ng mga pagkaing mayaman sa Selenium at kung kulang ang ating diet sa Selenium ay uminom ng Selenium health supplement upang mapanatili ang kalusugan. Tandaan, maaaring makaranas ng Selenium toxicity kung iinom ng Selenium ng hihigit sa 400 micrograms para sa edad 14 years old pataas.


Sana ay nasagot natin ang inyong mga katanungan.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page