ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | September 5, 2020
Dear Doc. Shane,
May nakakapa akong bukol sa aking leeg. Ito ba ang tinatawag na thyroid at cancerous ba ito? Natatakot ako dahil nasa lahi namin ang pagkakaroon ng cancer. Ano ang dapat kong gawin gayung wala naman akong nararamdaman na sintomas. – Ames
Sagot
Lahat ng tao ay may thyroid—kapag lumaki ito, ang tawag dito ay bosyo. Kung ang thyroid ay may bukol, ito ang tinatawag na thyroid nodule.
Ang thyroid ay kahugis ng paruparo (butterfly). Sa ultrasound ng thyroid makikita ang salitang “lobe.” Ito ay may dalawang lobes—sa kanan at kaliwa (tulad ng pakpak ng paruparo).
Sa thyroid ultrasound makikita kung ang bukol sa thyroid (thyroid nodule) ay solid (laman talaga), cyst (tubig ang laman ng bukol) o complex (magkahalong laman at tubig). Maliit ang tsansa na cancerous ang mga bukol sa thyroid.
Karamihan ng mga thyroid nodule ay hindi nakakasama at wala ring sintomas na nararamdaman. Kung sobrang laki ng bukol sa thyroid ay puwedeng makaramdam ng hirap sa paglunok o paghinga.
May ilang thyroid nodule na naglalabas ng sobrang thyroid hormone kaya ang pasyente ay nakararamdam ng sintomas ng Hyperthyroidism tulad ng:
Biglaang pagbaba ng timbang
Madaling mainitan o masyadong pawisin
Panginginig ang mga kamay o katawan
Madalas na pagkabog ng dibdib (palpitations)
Hindi regular na pagtibok ng puso
Anong mga tests ang maaaring gawin ng doktor para sa thyroid nodule?
1. Thyroid function test (T3, T4 at TSH)—ito ay blood test.
2. Thyroid ultrasound para malaman kung ang bukol ay solid, cyst o complex. Sa ultrasound din makikita kung may “suspicious features” ang bukol na nagpapahiwatig na baka cancer ito. Sa pamamagitan nito ay malalaman din kung may iba pang bukol sa thyroid dahil minsan may maliliit na bukol na hindi nakakapa sa leeg at nakikita lamang sa ultrasound.
Depende sa resulta ng mga tests na ito, minsan ay nagpapagawa rin ang doktor ng mga dagdag na test tulad ng:
- Fine needle aspiration biopsy. Tinutusok ng maliit na karayom ang bukol para makakuha ng kaunting laman na puwedeng eksaminin para malaman kung ito ay kanser o benign (hindi kanser).
- Thyroid scan. May ini-inject sa pasyente para mas makita ang thyroid gamit ang gamma camera na kumukuha ng larawan kahawig ng x-ray.
Magpatingin sa doktor kung may nakakapang bukol sa leeg. Kung ito ay umaakyat-baba kapag lumulunok, malamang, ito ay nasa loob ng thyroid (thyroid nodule).
Comments