top of page
Search
BULGAR

Alamin: Iba’t ibang uri ng hernia o luslos

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | September 13, 2020




Dear Doc. Shane,


May nakakapa akong bukol sa may singit pero nawawala ito kapag humihiga na ako. Napansin ko rin na bumabalik ito kapag nakakapagbuhat ako ng mabibigat na bagay. Sabi nila, baka raw luslos ito. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa kondisyong ito? – Christian


Sagot


Ang luslos o hernia ay ang paglusot ng ilang mga organ sa marupok na bahagi ng abdominal wall. Ang karaniwang halimbawa nito ay ang ang paglusot ng bituka papuntang singit kaya nagkakaroon ng pag-umbok sa bahaging ito.


Ang luslos ay mayroong iba’t ibang uri at upang mas maunawaan ang kondisyong ito, narito ang mga pangkaraniwang uri nito:

  • Inguinal hernia. Sa kondisyong ito, ang ilang bahagi ng bituka ay lumulusot papuntang singit. Karaniwang nangyayari ito kapag ang tiyan ay patuloy na nakararanas ng mataas na pressure o dahil na rin sa katandaan.

  • Femoral hernia. Halos natutulad ang femoral hernia sa inguinal hernia sapagkat ang umbok ay makikita rin sa may bandang singit. Ang kaibahan lamang, mas mababa ang lugar ng umbok nito kaysa sa inguinal hernia at ang naaapektuhan nito ay ang femoral canal sa halip na ang inguinal ligament.

  • Umbilical hernia. Nagkakaroon ng luslos sa bandang pusod. Karaniwan itong nangyayari sa mga sanggol kapag hindi maayos ang pagkakasara ng kanilang pusod. Gayunman, maaari rin nitong maapektuhan ang mga matatanda kung madalas na napuwepuwersa ang tiyan.

  • Hiatal hernia. Ang ilang bahagi ng bituka ay umaakyat at lumulusot papuntang chest cavity. Dahil dito, madalas na makararanas ang pasyente ng pangangasim ng lalamunan at sikmura. Ang uring ito ay pinakalaganap sa mga taong may edad na 50 pataas.

  • Ventral hernia. Ang ilang tisyu ay umuumbok mismo sa bahagi ng tiyan at tila nawawala kapag ang pasyente ay humiga. Ito ay karaniwang nakikita sa mga sangol subalit, nawawala rin ito sa kanilang paglaki. Maaari rin nitong maapektuhan ang mga matataba, atleta at buntis.


Ilan lamang sa mga pangkaraniwang sanhi ng luslos ay ang mga sumusunod:

  • Pagtitibi o labis na pag-iri habang dumudumi

  • Malakas na pag-ubo

  • Labis na katabaan

  • Pagbubuhat ng mabibigat na bagay

  • Paninigarilyo

  • Hindi pagkakaroon ng wastong nutrisyon

  • Pagkakaroon ng congenital birth defect

  • Pagkapinsala ng abdominal wall dahil sa operasyon

  • Pagbubuntis

  • Pagkakaroon ng labis na tubig sa tiyan o ascites


Sintomas:

  • Paglaki ng bayag sa kalalakihan

  • Pagkakaroon ng bukol sa apektadong bahagi, tulad ng singit

  • Pagkakaroon ng namamagang pakiramdam

  • Pananakit o pagkirot ng apektadong bahagi

  • Pananakit ng apektadong bahagi kapag tumatayo, umuubo o nagbubuhat

  • Bahagyang pagkawala ng bukol o pananakit kapag humihiga

  • Pagduduwal o pagsusuka

  • Pangangasim, hirap sa paglunok at pananakit ng dibdib


Pag-iwas:

  • Itigil ang paninigarilyo upang hindi magkaroon ng chronic cough na maaaring magdulot ng luslos.

  • Panatilihin ang wastong timbang sa pamamagitan ng pagkain ng balanse at masusustansiyang pagkain at pag-eehersisyo.

  • Iwasan ang labis na pag-iri habang dumudumi. Uminom ng sapat na dami ng tubig upang lumambot ang dumi.

  • Iwasan ang pagbubuhat ng mabibigat na bagay.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page