top of page
Search
BULGAR

Alamin: Iba’t ibang sanhi ng pagkahilo

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 11, 2020




Dear Doc. Shane


Madalas akong nahihilo nitong mga nakaraang linggo kahit hindi naman ako high blood sa edad kong 46. Sabi ng asawa ko, baka raw sa mga mata ko ito dahil may gamit akong reading glass na palagi kong suot. Ano kaya ang dahilan ng aking pagkahilo? – Andrea


Sagot


Maraming posibleng dahilan ang pagkahilo at kadalasan ay hindi naman ito delikado. Narito ang ilan sa mga karaniwang sanhi ng pagkahilo.

  • Problema sa mata. Kung malabo na ang iyong mga mata, puwede kang mahilo sa pagbabasa. Kung madalas mag-computer, nakakahilo rin. Dapat ipahinga ang mga mata at tumingin sa malayo para ma-relax ito. Magpagawa ng salamin o baguhin na ang grado ng salamin.

  • Problema sa mga tainga. Isa pang karaniwang dahilan ng pagkahilo ay ang sakit sa mga tainga sapagkat narito ang vestibular system kung saan nagmumula ang pakiramdam sa balanse at paggalaw. Kung may dumi o impeksiyon sa mga ito, puwede itong magdulot ng matinding pagkahilo (vertigo). Ang gamot dito ay ang meclizine 25 mg tablets. Ang ganitong hilo ay tumatagal ng mga isang buwan bago humupa.

  • Presyon ng dugo. Kung ikaw ay may high blood, puwede kang mahilo at manakit ang iyong batok. Kung ikaw naman ay low blood, anemic at maputla, puwede ka rin mahilo. Dapat ang blood pressure natin ay nasa pagitan ng 140/90 ang pinakamataas at 90/60 ang pinakamababa.

  • Nerbiyos. Ang mga nerbiyosong tao ay madalas din mahilo. Kapag kinakabahan, natatakot o nakasaksi ng nakahihindik na bagay ay puwede silang mahilo. Ang tawag dito ay panic attack o nerbiyos. Kailangan lang nilang magpahinga at uminom ng pampakalma, maaaring magpareseta sa doktor.

  • Kulang sa oxygen. Minsan ay may nahihilo o nahihimatay sa mataong lugar tulad ng simbahan o rally. Dahil ito sa matinding init at dami ng tao. Kailangan lang magpahinga, magpahangin at mawawala rin ang hilo.

  • Stroke at tumor sa utak. Ang stroke ay may matinding pagkahilo at may kasamang panghihina ng isang parte ng katawan. Ang tumor sa utak ay may kasamang matinding sakit ng ulo.


Samantala, maipapayo nating magpakonsulta kayo sa inyong doktor nang sa gayun ay matukoy ang tiyak na sanhi ng inyong pagkahilo.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page