ni Jersy Sanchez - @No Problem | March 21, 2021
Shoutout sa mga dog owners d’yan!
For sure, naransan n’yo nang habang naglalakad kasama ang inyong aso ay bigla siyang kumuha ng basura at kinain ito. Kaasar, ‘di ba?
Well, ang pagkain ng basura ay hindi lang kadiri dahil puwede rin itong maging sanhi ng problema kung may makakain na toxic ang ating alaga.
Gayunman, may solusyon pa para maturuan ang ating pet na ‘wag nang kumain ng basura, at narito ang ilang paraan:
“LEAVE IT” COMMAND. Ayon sa mga eksperto, ang command na ito ay napaka-useful dahil ito ay nagbibigay ng signal sa ating alaga na itigil ang kanilang balak gawin sa basura. Ang pinakamagandang paraan para ituro ito ay ang pagte-train sa bahay kung saan mas kaunti ang distractions.Paano naman ito gagawin? Lagyan siya ng leash o tali kapag maglalakad at maglagay ng anumang gusto niya sa kanyang harapan tulad ng pagkain, treats o laruan. Kapag nilapitan niya ito, sawayin siya at higpitan ang paghawak sa leash para hindi niya ito maabot. Kapag sumunod siya, purihin at bigyan ng treat. Habang itinuturo ang “leave it” command, mahalagang gumamit ng high-value treats tulad ng maliit na piraso ng karne bilang reward dahil matututunan niyang mas rewarding ang pagsunod sa iyo kumpara sa pagkain ng basura.
2. PLANUHIN ANG RUTA. Kadalasan, ang mga kalsada rito sa atin ay may mga basura, kaya naman mas mabuting alamin ang mga daan na mas kaunti ang distraction, lalo na kung hindi pa nama-master ng iyong alaga ang “leave it”. Gayunman, kung medyo nasasanay na siya, oks ding dumaan sa mga kalsada na maraming basura bilang practice. Paalala, gumamit ng matibay at maiksing leash para mas malapit siya sa iyo at mas madali siyang makuha ‘pag nagtangka itong lumapit sa basura.
3. I-CLAIM ANG BASURA. Mas malaki ang tsansa na dedmahin ng aso ang basura ‘pag nagbigay ka ng signal na ang basura ay sa iyo. Ang paraang ito ay halos kapareho ng “leave it” command, pero kailangan mo ng body language para magbigay ng senyas ng iyong dominance. Para gawin ito, kailangan mong angkinin ang basura. Paano? ‘Pag nilapitan ng iyong alaga ang basura, hawakang mabuti ang leash para hindi niya ito maabot. Harangan ang basura gamit ang iyong katawan at ilayo ang aso sa pamamagitan ng “leave it”, saka bigyan ng treat bilang reward.
4. IPOKUS ANG ATENSIYON NG ASO SA IYO. Ang pagkuha ng atensiyon ng aso habang naglalakad ay nakatutulong upang maiwasan ang pagdampot at pagkain ng basura. Ito ay dahil matututunan din niyang mas rewarding ito sa halip na magpa-distract. Para ituro ito, hintaying tingnan ka ng iyong alaga habang naglalakad kayo. Sey ng experts, ‘pag nagbibigay ng atensiyon ang mga aso sa kanilang amo nang hindi sinasabihan, gawin itong big deal at bigyan siya ng reward. Gayundin, the more na binibigyan ng reward ang aso ‘pag binibigyan ka niya ng atensiyon, palagi niya itong gagawin. Halimbawa, habang naglalakad kayo at may nakita kang basura, kuhanin agad ang kanyang atensiyon sa pamamagitan ng pagtawag sa kanyang pangalan o pakitaan ng treat habang dumadaan sa basura.
Talagang challenge ito para sa mga dog owners, kaya naman kailangan n’yo ng mahaba-habang pasensiya para mas ma-train ang inyong furbabies.
Tiyaga lang dahil para rin naman ito sa kanyang ikabubuti para iwas-sakit at dagdag na kalat. Copy?
Comments