top of page
Search
BULGAR

Alamin: Iba’t ibang pagkain at inuming nakasasama sa atay

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | September 2, 2020




Dear Doc. Shane,

Nais kong malaman kung paano mapangangalagaan ang atay. Ayokong magkaroon ng liver cancer pagdating ng panahon, dahil marami akong kaibigan na ganito ang sakit nila. – Roy


Sagot


Ang ating atay ay mahalagang bahagi ng ating digestive system. Ilan sa mga function nito ay ang paglilinis ng dugo mula sa mga dumi sa loob ng katawan, pagtunaw ng taba mula sa mga kinain at pangangalaga sa glucose na nagbibigay sa atin ng sigla.


Narito ang ilan sa mga pagkain at inumin na dapat nating iwasan maaalagaan nang wasto ang ating atay:


1. Pagkaing mataas sa sodium. Ang sodium ay mabisang sangkap para sa maayos na pagdaloy ng fluids at pag-regulate sa blood pressure. Ngunit, maaari itong magresulta ng pananakit ng tiyan at labis na fluid sa atay kapag sumobra ang konsumo.

Bawasan ang pagkonsumo sa instant noodles, de-latang pagkain at iba pang maaalat na pagkain tulad ng keso at putaheng may toyo.


2. Processed food na maraming trans-fat. Ang trans-fat o hydrogenated vegetable oil ay kalimitang matatagpuan sa processed food. Mag-ingat na huwag sumobra sa pagkonsumo ng mga pagkain tulad ng biscuits, crackers, ready-made dressings at popcorn.


Ugaliing i-check ang nutritional label ng pagkain upang maiwasan ang pagdami ng low-density lipoprotein (LDL) o bad cholesterol. Ang LDL ay naiipon sa atay na siyang magdudulot ng iba’t ibang sakit.


3. Prutas at matatamis na pagkain. Bagama’t hindi maitatanggi ang mga benepisyong nakukuha sa prutas, may ibang prutas na maaaring makasama kapag nasobrahan. Ang mga pagkaing karaniwang sagana sa fructose o fruit sugar ay hindi nakabubuti sa atay.

Ang fructose ay mahirap matunaw sa katawan at kapag naparami, maaaring maging sanhi ito ng dyslipidemia o hindi normal na dami ng taba sa dugo. Ito rin ay maaaring magpataba at magpamaga sa atay.


4. Pagkaing mamantika. Ang mamantikang pagkain ay may matinding dulot sa atay na maihahalintulad sa hepatitis. Ang sobrang pagkonsumo ng pritong manok, French fries at fried siomai ay maaaring magpataas ng bad cholesterol at magpababa ng good cholesterol. Ito ay maaaring magdulot ng fatty liver o matabang atay.


5. Inumin at pagkaing may High Fructose Corn Syrup (HFCS). Ang HFCS ay karaniwang ginagamit na pampatamis sa soft drinks at fruit-flavored drinks. Ang sobrang supply ng fructose sa katawan ay nagiging taba na nagdudulot ng matabang atay.


6. Nakalalasing na inumin. Hindi na bago sa atin ang mga sakit sa atay dahil sa labis na pag-inom ng alak. Nagdudulot ito ng pagkasira ng liver cells, pananaba o pamamaga ng atay (liver inflammation), malfunction ng atay (liver cirrhosis) o kanser sa atay.


Bagama’t hindi madaling talikuran ang mga pagkain at inumin na atin nang nakasanayan, huwag kalimutan ang pangangalaga sa ating katawan.


Lahat ng sobra ay nakasasama kaya’t ugaliing bantayan ang pagkonsumo ng mga nabanggit na pagkain at inumin.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page