top of page
Search
BULGAR

ALAMIN: Herb na oks pampatulog!

ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | December 04, 2021




Dear Doc Erwin,


Ako ay OFW sa Middle East, 40 years old. Mula ng ako ay mangibang bansa ay nag-umpisa na akong hindi mapagkatulog. Nang ako ay magpakonsulta sa company clinic ay binigyan ako ng gamot upang inumin tuwing gabi. Ang tawag nila sa gamot na ito ay Valerian at ito ay popular na ginagamit ng mga OFWs na nagkakaroon ng problema sa pagtulog. Safe kaya itong gamitin? May iba pang gamot akong iniinom, makaaapekto ba ito sa ibang gamot na aking iniinom? – Blesilda R.


Sagot


Maraming salamat Blesilda sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ang Valerian plant ay herb na likas na tumutubo at makikita sa mga gardens ng Europa.


May mga wild variety din ito at maaaring makita sa mga grasslands. Lumalaki ito hanggang two feet, dark green ang dahon at mga bulaklak ay maaaring kulay puti, purple o pink. Ang ugat ng Valerian plant ay may kulay na light grayish brown. Ang ugat ng Valerian ay maaaring gawing juice o powder panlaban sa insomnia.


Paano tumutulong ang Valerian upang tayo ay makatulog? Bagama’t hindi pa alam ang eksaktong mechanism of action kung paano ito tumutulong sa pagtulog, pinaniniwalaan ng mga siyentipiko na ang Valerian plant ay tumutulong upang tumaas ang dami ng chemical na GABA o gamma aminobutyric acid sa ating utak tulad ng mga gamot na diazepam at alprazolam. Dahil maaaring epekto nito sa pagtaas ng level ng GABA, makatutulong din ang Valerian plant sa mga taong may anxiety.


Base sa mga pag-aaral, mas mabilis makatulog at maganda ang quality of sleep ng mga umiinom nito. Mas kaunti rin ang side-effects nito kompara sa ibang gamot na pampatulog. Sa ibang indibidwal, maaaring hindi agad umepekto ang Valerian at kailangan inumin ito ng ilang linggo bago umepekto laban sa insomnia at anxiety.


Available ang Valerian plant sa iba’t ibang preparation, tulad ng Valerian tea, tincture, fluid extract o powdered extract na nasa capsule or tablet. Bilang tsaa, gumamit ng teaspoon ng Valerian root at ibabad sa mainit na tubig ng lima hanggang 10-minuto.


Kung Valerian capsule o tablet naman, maaaring uminom ng 250 milligrams hanggang 600 milligrams isa o dalawang oras bago matulog sa gabi. Maaaring inumin ang Valerian hanggang tatlong beses sa isang araw upang makatulong sa anxiety. Matapos gumanda ang pagtulog, maaaring inumin ang Valerian sa loob ng dalawa hanggang anim na linggo. Kung iinumin ito ng higgit sa apat na linggo, mas makabubuting sumangguni sa doktor.


Bagama’t generally safe ang Valerian plant, mas makabubuting umiwas ang mga buntis at lactating mothers. Umiwas din sa biglaang pagtiggil sa pag-inom nito. Mas makabubuting dahan-dahan na ibaba ang dose bago tuluyang tumigil sa pag-inom ng Valerian plant.


Meron bang maaaring maging adverse effect ang Valerian sa katawan? Bukod sa ito ay nakakaantok, maaari rin magkaroon ng paradoxical reaction ang umiinom ng Valerian, tulad ng anxiety at restlessness. Kung makaranas ng ganitong reaction ay sumangguni sa inyong doktor.


May mga gamot na maaaring magkaroon ng drug interaction sa Valerian plant, tulad ng phenytoin, valproic acid, alprazolam, diazepam, zolpidem at anti-depressants. Umiwas din sa pag-inom ng alak kung kayo ay umiinom ng Valerian plant. Dahil ang Valerian plant ay name-metabolize ng ating liver, maaaring makaapekto ang pag-inom nito sa mga gamot, tulad ng antihistamines, statins at antifungal drugs.


Sana ay nasagot ng artikulo na ito ang inyong mga katanungan.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page