ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | January 18, 2022
Dear Doc Erwin,
Regular akong nagbabasa ng BULGAR at ng inyong column na Sabi ni Doc. Sa nakaraang dalawang artikulo, nagbigay kayo ng mga makabagong research tungkol sa ageing, longevity at age-related diseases – kung paano mapahahaba ang buhay at ang edad na tayo ay malusog ang pangangatawan, gayundin kung paano makaiiwas na magkaroon ng mga sakit na kadalasan ay mayroon ang matatanda, tulad ng Alzheimer’s Disease at cancer?
Nais ko sanang magtanong kung ano ang opinyon ng mga scientists sa ageing o pagtanda tungkol sa life expectancy sa ating hinaharap, ayon sa kanilang research studies?
Hanggang anong edad posible mabuhay ang tao? - Aurelio
Sagot
Sa nakaraang dalawang artikulo ay napag-usapan natin ang mga Longevity genes at ang mga anti-ageing proteins. Inihayag din nating may mga longevity activators na maaari nating gawin o inumin upang muling mapasigla ang longevity genes at anti-ageing proteins na Sirtuins.
Nabanggit din natin, na ayon sa mga scientists na dalubhasa sa ageing at longevity na sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan na nabanggit natin sa mga nakaraang artikulo ay maaaring maiwasan o ma-delay ang magkaroon ng mga sakit na karaniwang nagkakaroon ang mga may edad, tulad ng dementia, cancer at metabolic diseases, tulad ng diabetes.
Sa librong Lifespan, sinabi ni Dr. David Sinclair ng Harvard University, isa sa mga nangungunang scientists sa pag-aaral ageing at longevity at kung paano mapahaba ang buhay ng tao, na kung magpapatuloy ang kasalukuyang medical at technological revolution, kalahati ng dami ng mga bata sa Japan ngayon ay mabubuhay ng mahigit pa sa 107 years old at sa Amerika ay aabot ng 104.
Ayon sa “conservative estimate” ni Dr. David Sinclair, ang magiging life expectancy ng tao sa ating hinaharap ay 113 years old. Ito ay itinuturing niyang conservative na estimate dahil kalauna’y pabilis nang pabilis ang pag-abante ng science of ageing at longevity, at kalauna’y tumataas nang tumataas ang life expectancy ng tao. Itinuturing ni Dr. Sinclair at ibang scientists na 120 years old ang potential na edad na kayang marating ng tao, ayon sa kasalukuyang estado ng science of ageing and longevity.
Ang katanungan sa isip ng maraming tao ay kung ano ang mangyayari sa mundo kung hahaba ang buhay ng tao hanggang sa edad na pinaniniwalaan ng mga scientists at sa kaakibat nitong pag-improve ng human health. Magkaroon kaya ng overpopulation?
Ayon kay Dr. David Sinclair, ang sago ni Bill Gates ay hindi. Sa estimate ng mga demographers ng United Nations, ang total global population ay magpa-plateau sa 11 bilyon sa 2100 at mula roon ay titigil na ang pagtaas ng populasyon ng mundo at ito ay bababa na.
Sana ay nasagot ng ating mga ipinahayag sa itaas ang iyong katanungan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments