ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 15, 2021
Dear Doc. Shane,
May alaga kaming mga aso sa bahay at mahilig makipaglaro sa mga ito ang aking mga anak. Kapag ba nangagat ang asong alaga sa bahay ay kailangan bang dalhin agad sa doktor ang nakagat para mabigyan ng anti-tetanus o puwede na ‘yung first aid? – Tau
Sagot
Kahit gaano pa kaliit ang kalmot o kagat ng aso, maaaring maging sanhi ito ng malubhang kondisyon. Ang kagat ng aso o anumang hayop ay posibleng may dalang mikrobyo at sakit.
Makatutulong na maagapan ang anumang komplikasyon kung handa ang mga magulang at lahat ng miyembro ng pamilya na lapatan ng first aid agad-agad ang kalmot o kagat ng aso — maliit man ito o malaki.
Ano ang dapat gawin kapag nakalmot o may kagat ng aso?
Una sa lahat, pakalmahin ang pasyente. Kailangan dalhin agad sa ospital ang pasyente matapos lapatan ng first aid.
Narito ang mga hakbang sa first aid:
Kung ang kumalmot o kumagat ay alagang aso na may updated immunizations o bakuna:
Para sa mababaw na kalmot o kagat ng aso, hugasan ng sabon at tubig ang sugat, at itapat sa gripo para patuloy ang hugas ng tubig. Gawin ito ng hanggang limang minuto.
Huwag kuskusin ang sugat at baka lalong lumaki o magasgas. Makakasama ang pagkagasgas dahil mas magiging bukas sa mikrobyo.
Pahiran ng antiseptic lotion o cream.
Kung ang sugat ay malakas ang tagos ng dugo, diinan gamit ang malinis na tuwalya o bimpo para mapigil ang pagdurugo.
Pagmasdan sa loob ng isang oras o higit pa kung may senyales ng impeksiyon — lagnat, pamumula at pamamaga ng paligid ng sigad, nana o pus, panghihina ng pasyente. Huwag mag-aksaya ng oras at isugod agad sa ospital.
Pagmasdan din ang alagang aso kung may senyales ng rabies infection.
Kung ang kumalmot o kumagat ay aso sa kalye, hindi kilala at walang katunayan na may immunizations ito.
Mahalagang may nagre-report ng kagat ng aso na lumalaboy sa barangay, para mahanap agad ito at hindi na makakagat.
Samantala, turuan ang mga bata na huwag makipaglaro o makipagharutan sa mga aso sa kalye o mga asong hindi kilala at hindi alaga ng kakilala. Kahit pa alagang aso ninyo, kailangan pa ring turuan ang bata na iwasang harutin nang sa gayun ay makaiwas sa aksidenteng pagkalmot o pagkagat ng aso. Ipaliwanag sa mga bata na kapag kumakain o natutulog ang mga alagang aso, hindi ito iniistorbo.
Doc, ung anak ko kasi is diko alam kung kinagat ba siya or kinalmot.. Hindi namin alam gagawin kung ipapainject ba namin siya o hindi po..