Alamin: Dapat gawin upang masolusyunan ang basang kilikili
- BULGAR
- Jul 5, 2020
- 2 min read
ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | July 5, 2020

Dear Doc. Shane,
Ako ay edad 29 at dalaga pa. Problema ko ay palaging basa ang aking kilikili kahit hindi naman ako masyadong aktibo. Minsan ay nakakahiya sa mga kasamahan ko sa trabaho kapag nakikita nila ito. Naglalagay naman ako ng deodorant kaya wala itong amoy. Ano ba dapat kong gawin para mawala ito?
– Aleli
Sagot
Ang pagpapawis o pagbabasa ng kilikili ay isang kondisyon na nararanasan ng maraming tao, ang tawag dito ay hyperhidrosis.
Narito ang ilan sa mga bagay na maaaring gawin upang hindi ito lumala:
Gumamit ng antiperspirant na deodorant. Ito ang pinakasimpleng solusyon. Hindi lahat ng deodorant ay antiperspirant, subalit dumarami na ngayon ang mga antiperspirant na mabibili sa botika o supermarket. Tingnan mabuti sa produkto kung ito ay antiperspirant. Maaari itong gamitin sa araw at gabi. Tiyakin lamang na tuyo ang balat o ang kilikili bago ito i-spray o ipahid.
Iwasan ang maaanghang na pagkain. Ang mga ito ay maaaring magdulot ng sobrang pagpapawis.
Magsuot ng mas maluwang na damit. Mas maganda na cotton ang telang isusuot sa pang-itaas. Tandaan din na mas nahahalata ang pawis sa mga makulay na damit kaya piliin ang puti.
Bukod sa paggamit ng antiperspirant, isang ‘home remedy’ o paraan na maaaring subukan ay ang pagpahid ng baking soda na hinaluan ng kaunting patak ng tubig sa kilikili. Ipahid ang mixture sa kilikili at panatilihin doon ng 20 na minuto bago banlawan. Maaari itong makatulong dahil pinabibilis nito ang ‘evaporation’ o pagkatuyo ng pawis.
Kapag ang mga nabanggit ay hindi pa rin tumalab, magpatingin na sa dermatologist na maaaring magreseta ng mas malakas na antiperspirant at iba pang maaaring lunas para sa sobrang pamamawis ng kilikili tulad ng “botox treatment”.
Comentarios