ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 22, 2020
Dear Doc. Shane,
Ako ay limang buwang buntis at nag-gain talaga ako ng timbang dahil sa lakas kong kumain at uminom ng soft drinks. Masama raw ito dahil posibleng magka-diabetes ako kapag hindi ko inayos ang aking diet. Totoo po ba ‘yun, kahit wala naman sa lahi namin ito? – Vangie
Sagot
Ang gestational diabetes ay diabetes na natutuklasan lamang habang ang babae ay buntis. Tumataas ang blood sugar habang buntis sa mga babaeng may gestational diabetes at hindi ito dapat ipagsawalang bahala.
Ang mga batang ipapanganak ng mga babaeng may gestational diabetes ay mataas din ang tsansa na magkaroon ng diabetes sa kanilang paglaki. Kung hindi maagapan ang diabetes ng ina habang ito ay buntis, ang bata sa sinapupunan ay nagiging overweight (ang timbang ay 8-pounds pataas) kaya tumataas ang peligro na magkaroon ang bata ng shoulder injury paglabas sa puwerta o mangailangan talaga ng cesarean section para mailuwal ito.
Bakit kailangang magpa-OGTT ang buntis?
Sa OGTT malalaman kung may diabetes ng pagbubuntis o gestational diabetes. Kung may gestational diabetes ang buntis, nagiging labis ang timbang ng bata sa sinapupunan. Ang batang ipinanganak ng ina na may gestational diabetes ay mataas ang tsansang maging diabetic sa kanilang paglaki.
Samantala, ang mga babaeng nagkaroon ng gestational diabetes noong sila ay buntis ay puwede ring magkaroon ng Type 2 diabetes sa susunod na mga taon kahit hindi na buntis. Dahil sa peligrong ito sa bata at ina, kailangang magpa-OGTT para malaman kung may gestational diabetes.
Ang OGTT ay karaniwang pinapagawa sa mga buntis na nasa ika-6 hanggang ika-7 buwan ng pagdadalantao. Puwede rin itong ipagawa ng doktor nang mas maaga o kahit lagpas dito depende sa sitwasyon ng pasyente.
Pagkatapos manganak ay karaniwang nawawala ang gestational diabetes—muling nagiging normal ang asukal sa dugo. Pero minsan, ito ay nagtutuloy na agad sa Type 2 diabetes.
Paano malalaman kung nawala o nagtuloy ang diabetes?
Sa pamamagitan din ng OGTT, ang mga babaeng nagkaroon ng gestational diabetes noong sila ay buntis ay dapat magpaulit ng OGTT anim na linggo pagkatapos manganak para malaman kung normal na bang muli ang kanilang asukal sa dugo.
Comentarios