ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | July 03, 2021
Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong Year of the Metal Ox.
Kung ikaw ay isinilang noong taong 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018 at 2030, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Dog o Aso.
Sa career at propesyon, ang isang Aso ay tiyak na magiging magaling na lawyer, labor leaders, union organizers, social workers at tugma rin sa kanya ang public service at pagiging manager. Ang mga negosyong may kaugnayan sa arts o sining, ganundin sa lahat ng uri ng kaartehan, kagandahan, pabango, makukulay na mga bagay, musika at pagsasayaw, painting at paglililok ay tugma rin sa isang Aso.
Dahil may likas na karisma at mapang-akit, ang negosyong pag-aalok at daldal nang daldal ay sigurado namang magpapayaman din sa isang Aso. Habang kinukuwentuhan at dinadaldal niya ang mga kliyente at mamimili, lalong lalago at uunlad nang mabilis ang anumang uri ng kalakal na kanyang hahawakan.
Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, sinasabing malakas ang sex appeal ng Aso at kapag siya ay may gusto, bagama’t sa umpisa ay susubukan niyang itago ang kanyang damdamin, pero hindi niya mapipigil, ito ay huhulagpos din. Para sa isang Aso, ang paghanga at pagkahaling ay hindi niya magawang ilihim, kaya kusa niya itong nae-express sa iba’t ibang artistic at loveable na paraan. Dahil dito, bukod sa tapat at totoo umibig, ang Aso rin ay napaka-expressive pagdating sa sex at love. Kaya naman masasabing sobrang tamis at masarap kung siya ay magmahal.
Dagdag pa rito, hangad din ng Aso na maging malaya sa pagdedesisyon, lalo na sa aspetong pandamdamin. Kaya kung sa larangan ng pag-ibig ay pakikialaman at didiktahan mo siya, malulungkot ang isang Aso. Sa umpisa ay mapapasunod mo siya at gusto ng mga nakatataas sa kanya, pero ang totoo, sa umpisa lang ‘yun dahil sa bandang huli, iiral ang ugali niya na naghahangad na makalaya. Kaya ang iniutos at pinagawa sa kanya, lalo na sa pag-ibig at career nang hindi naman niya talaga gusto ay tiyak na susuwayin din niya. Pagkatapos nito, sa mali o tama, basta’t alam niyang nagmamahal siya at doon siya masaya, ‘yun ang gagawin at tatahakin niyang direksiyon. Dahil dito, kadalasan ay napagkakamalan ang Aso na matitigas ang ulo at may matinding paninindigan sa isang bagay na ginusto nila, na akala nilang ‘yun ang tama, pero minsan ay hindi naman.
Sa larangan ng compatibility, compatible ang Aso sa Kabayo, ganundin sa Tigre, sapagkat silang tatlo ay pare-parehong tapat at may matataas na pangarap para sa ibang tao at adhikaing ipinaglalaban. Okey ding makasama ng Aso ang Daga, Ahas, Unggoy at Baboy, sapagkat madali ring makakabuo ng isang makabuluhan at masayang relasyon sa isa’t isa ang nasabing animal signs. Ngunit ang higit sa lahat at nakagugulat, Kuneho ang tunay at higit na ka-compatible ng isang Aso, kung saan inaasahang makabubuo sila ng maligaya at panghabambuhay na relasyon. Sapagkat hindi lang ipinahahalata, sobrang laki ng paghanga at sampalataya ng Kuneho sa Aso. Habang magagawa niya na ipaisip sa Aso na mas masarap ang simpleng buhay pamilya kaysa sa pakikipaglaban at pagpapakita ng idolohiya sa lipunan, mapu-frustrate ang Aso na ituwid at itama ang pagkakamali ng mundo. Kasabay naman nito, darating sa buhay niya ang simple at tahimik na Kuneho upang akayin siya sa pribado at masayang simpleng buhay sa piling ng kanilang mga anak at itataong pamilya.
Itutuloy
Comentários