top of page
Search
BULGAR

Alamin ang “100-day honeymoon period” ni P-BBM

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | July 30, 2022


Ilang araw matapos ang inabangan ng sambayanang kauna-unahang State of the Nation Address ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., patuloy pa ring pinag-uusapan ang mga inilahad niyang konkretong plano upang makamit ang ipinangako noong kampanyang pagbangon ng bansa mula sa kinahaharap na krisis sa ekonomiya at kalusugan.


Hinikayat ni Undersecretary Jose Faustino, Jr., Department of National Defense (DND) officer-in-charge, na magkaisa ang mga Pilipino sa likod ng pamumuno ni P-BBM bilang isang bansa.


“Batid ng DND ang pangangailangan ng pagkakaisa bilang isang tao upang makamit ang aming ninanais na layunin. Samakatwid, ang kamakailan na patutsada laban sa ilang miyembro ng kanyang gabinete, tulad ng naging fake news na pagre-resign ni Honorable Executive Secretary, Victor Rodriguez o laban sa sinumang tao para sa bagay na ‘yun ay pag-atake sa kanyang karangalan,” dagdag ni Faustino.


Sinabi niyang anumang pagtatangkang hatiin ang bansa sa pamamagitan ng malisyosong mga alegasyon ay hindi makatutulong sa nagkakaisang adhikain para sa matatag at progresibong Pilipinas.


“Bilang marangal na mamamayan, dapat nating protektahan ang integridad sa lipunan. Kaya’t hinihikayat ko ang bawat Pilipino na manindigan sa likod ng pamumuno ng ating bansa,” sabi ni Faustino.


Patuloy pa rin ang pagtatalaga ni P-BBM ng mga taong mamumuno ng iba’t ibang departamento at ahensya ng pamahalaan kabilang na ang tinatawag na Gabinete. Ang Gabinete ng Pilipinas ay binubuo ng mga pinuno ng pinakamalaking bahagi ng sangay na tagapagpaganap ng pambansang pamahalaan ng Pilipinas. Sa kasalukuyan, kabilang ang mga kalihim ng 21 executive department at ang mga pinuno ng iba pang ahensya at tanggapan na nasasakupan ng pangulo ng Pilipinas. Ang mga kalihim ng Gabinete ay inatasan na payuhan ang Pangulo sa iba’t ibang gawain ng estado, tulad ng agrikultura, badyet, pananalapi, edukasyon, kapakanang panlipunan, pagtatanggol sa bansa, patakarang panlabas at iba pa.


Hindi basta-basta ang proseso ng appointment. Sila ay hinirang ng Pangulo at pagkatapos ay iniharap sa Commission on Appointments, isang katawan ng Kongreso ng Pilipinas na kumukumpirma sa lahat ng mga paghirang na ginawa ng pinuno ng estado, para sa kompirmasyon o pagtanggi. Kung maaprubahan ang mga hinirang ng pangulo, sila ay nanunumpa sa tungkulin, tatanggap ng titulong “Sekretarya” at magsisimulang gumanap sa kanilang tungkulin.


Hindi na bago ang mga bashers, dahil kung pribadong mamamayan nga’y nama-‘Marites’, inaasahang mas matindi at malawakan pa ang kinahaharap ng public figures artista man o lingkod bayan. Kaya isang tip ni Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat, “Kailangan sigurong ilahad ng Pangulo ang mga dahilan sa mga naging desisyon ng kanyang administrasyon kabilang na ang appointments. Ako nama’y naniniwalang may dahilan ang Presidente sa pagtitiwala sa kanyang appointees, tulad kay Executive Secretary Rodriguez, na makatutulong sila sa adhikaing makamit ang kaunlaran ng bansa kabilang na ang agricultural sector.”


Si P-BBM, na gumaganap din bilang kalihim ng agrikultura ay nagmungkahi ng kanyang plano na suportahan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapataw ng “isang taong moratorium sa pagbabayad ng amortisasyon ng lupa at mga pagbabayad ng interest.”


Ang mga pautang at financial assistance sa mga magbubukid at mangingisda ay magiging institusyon at patakaran ng ating administrasyon. Ipaprayoridad natin ang modernisasyon ng sakahan sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya para sa mga magsasaka.


Naglista rin ang pangulo ng 19 priority bill para sa papasok na Kongreso, kabilang ang Budget Modernization Bill, Internet Transaction Act at National Defense Act.


Sa ngayon, bilang mamamayan, ay nararapat nating bigyan ng pagkakataon ang mga nakaupo na patunayan ang kanilang kakayanan para sa bayan. Sa katunayan, may tinatawag na “100-day honeymoon period”. Ang konsepto ng unang 100-araw ng termino ng pagkapangulo ay unang pinagtibay sa Pilipinas ni Pangulong Corazon Aquino mula sa Estados Unidos at mula noon ay ginamit bilang sukatan ng tagumpay ng pangulo at ito ay itinuturing na “panahon ng honeymoon”, kung saan ang tradisyunal hinihimok ang mga kritiko na iwasang siraan ang bagong pangulo.


‘Ika nga ni P-BBM, “Sama-sama tayong babangon at ito ang ating marubdob na panalangin na makakamit natin sa pakikiisa at pagkakaisa bilang Pilipino.”

 

Para sa inyong iba pang katanungan at kung may nais ibahaging tips, mag-email lang sa mathayrikki@gmail.com at i follow ang ating Facebook page na Rikki Mathay QC, at Instagram account na Rikki Mathay


0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page