ni Melba R. Llanera @Insider | June 20, 2024
“Ay, wala na s’ya, wala na ‘yun, oo,” ang pahayag ni Kim Chiu sa nakaraang launching niya bilang endorser ng consumer finance at buy now pay later app na BillEase, nang kumustahin namin sa kanya si Atty. Oliver Moeller, ang EXpecially For You searchee na ngayon ay pumalaot na rin sa mundo ng showbiz at parte na ng Cornerstone Entertainment.
Marami ang kinilig at inakala ng iba na mauuwi sa ligawan ang pagtatagpo ng dalawa sa segment ng It’s Showtime at sinundan pa ng pagdalaw muli nito sa naturang noontime show, kung saan ay inamin ni Atty. Oliver na may mga dinalaw siyang kaibigan.
Sa interview din ng TV Patrol ay inamin nito na crush niya si Kim, pero nang tanungin ito kung nanliligaw ba siya sa Kapamilya actress ay hanging ang naging sagot ni Atty. Oliver na sa tingin niya ay hindi tama na sagutin niya ito nang walang permiso na galing kay Kim.
Marami ang kinilig at nagsabing bagay talaga sina Kim at Atty. Oliver, kaya’t tiyak na marami rin ang madidismaya sa pagkumpirma ngayon ng aktres na mukhang walang kinapuntahan ang pagpapareha sa kanila.
Nang kumustahin naman namin ang nababalitang espesyal na relasyon nila ng kapareha niyang si Paulo Avelino, inamin ni Kim na marami silang pinagsasamahan ngayon ng aktor at natutuwa siya na marami ang nagmamahal at tumatangkilik sa tambalang KimPau sa mga shows na Linlang at What’s Wrong with Secretary Kim.
Kuwento nga sa amin ni Kim ay natatawa at nagkukuwento na raw sa kanya sa ngayon si Paulo — na kilalang tahimik at malihim sa ibang tao — sa tagal na rin nilang magkatrabaho.
‘Di lang namin alam kung purely work ba o may relasyon na namamagitan sa dalawa dahil nang tanungin kung lumalabas ba silang dalawa sa personal na level, sumagot si Kim na hindi, dahil abala siya.
‘Di na rin nabigyan ng pagkakataon si Kim na matanong tungkol sa naging pahayag ng ex-boyfriend niyang si Xian Lim na ‘di siya ang nag-initiate ng breakup kundi ang aktres, pero sa nakikita namin ngayon sa Chinita Princess ay mukhang nasa moving on process na ito at tanggap na ang kinauwian ng relasyon nila.
Nakatulong nang malaki ang magandang itinatakbo ng kanyang career at sa tingin namin ay magiging maingat at mas matalino na ito sa susunod na pakikipagrelasyon lalo’t dalawang beses na siyang nabigo sa pag-ibig at nasaktan.
Sa presscon ng Season 2 ng Si Manoy ang Ninong Ko, nakausap namin si Gelli de Belen, isa sa mga hosts ng show at natanong namin kung nagbukas ba ng saloobin niya at nanghingi ng payo sa kanya ang kaibigan na si Carmina Villaroel, dahil sa kabi-kabilang pamba-bash na natanggap nito dahil sa breakup ng anak na si Mavy Legaspi kay Kyline Alcantara at naudlot na espesyal na relasyon nina Cassy Legaspi at Darren Espanto.
Balik-tanong sa amin ni Gelli ay bakit si Carmina ang binash gayung hindi naman ito ang nakipag-break?
Ayaw mang magsalita sa isyu dahil alam niya na magagalit sa kanya si Carmina ay makahulugan ang isinagot ni Gelli na ang ina ay ina, ‘wag itong kuwestiyunin ng kahit na sino lalo’t iba ang pagmamahal ng ina sa kanyang mga anak.
Kinumusta rin namin kay Gelli ang mga anak nila ni Ariel, na ngayon ay nasa Canada para tapusin ang pag-aaral.
Ayon sa actress-TV host ay maayos ang buhay ng mga anak nila roon. Nauna nang umalis ang asawang si Ariel Rivera pa-Canada for series of shows. Dadalawin din nito ang mga anak nila at susunod sa kanila si Gelli.
Sa ngayon ay hindi muna tumatanggap ng mga serye si Gelli at pokus muna sa taping ng Si Manoy ang Ninong Ko kung saan iba't ibang panig ng bansa ang pinupuntahan nila para pakinggan at solusyunan ang problema o hinaing ng mga kababayan natin.
Dito rin nakita ng TV host-actress kung gaano kahirap ang buhay ng mga Pilipino, kung saan para sa kanya ay malaki ang tulong na nagagawa ng Si Manoy ang Ninong Ko.
Aminado nu’ng una na may takot na masabihan na ikinakampanya niya ang co-host na si Rep. Wilbert Lee ng Agri Partylist, sa kalaunan ay naisip ni Gelli na wala na siyang pakialam sa iisipin ng mga tao dahil ang mahalaga ay nakakatulong siya sa mga nangangailangan nating kababayan.
Puring-puri naman ni Gelli si Rep. Wilbert Lee na nu’ng una ay inakala niyang seryosong tao, pero sa pagtagal ng pagsasama nila ay napansin niya ang pagiging kalog nito at masarap kausap.
Nasimulan nang mapanood ang Season 2 ng Si Manoy ang Ninong Ko nu’ng nakaraang Linggo sa GMA-7 sa ganap na alas-siyete ng umaga. Malapit sa puso ni Gelli ang show kahit hindi man niya pasukin ang pulitika.
Comments