ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Marso 23, 2024
Semana Santa na sa susunod na linggo. Ipinapayo ng inyong Senator Kuya Bong Go sa ating mga kababayan na magdasal tayo at magpasalamat sa ginawang pagsasakripisyo ng ating Poong Hesukristo sa atin. Anuman ang ating pananampalataya, magkaisa tayo sa pagmamalasakit at pagseserbisyo sa ating kapwa.
Gamitin din natin ang okasyong ito para makapagpahinga mula sa ating mga gawain at makapiling naman ang ating mga mahal sa buhay. Sa mga uuwi sa probinsya lalo na ang mga probinsyanong katulad ko, mag-ingat tayo sa biyahe.
Ngayong Fire Prevention Month, tiyakin din ninyo na ligtas ang inyong mga tahanan at iwasan ang mga posibleng pagmulan ng insidente ng sunog. Huwag ding kalilimutan na pangalagaan ang ating kalusugan. Masarap magbakasyon kung kampante ang ating kalooban at wala tayong agam-agam sa ating mga ari-arian at kalusugan.
Samantala, sa ginanap na public hearing ng Senate Committee on Sports noong Miyerkules na ating pinamumunuan tungkol sa issue ng game fixing, hinikayat natin ang mga dumalo na makiisa para mapag-aralan ang mga panukala upang mas mapaayos at malagyan ng ngipin ang mga batas laban sa game fixing.
Mahalagang mapanatili ang integridad ng lahat ng sports. Nakakasira ito ng tiwala ng ating mga kababayan at nagiging bahid ito sa imahe ng ating mga atleta kung napapasukan ng game fixing. Biktima rito ang mga manonood, at mga atletang tapat sa laro, at maging ang imahe ng Philippine sports.
Pangalagaan natin ang integridad ng sports na nagbibigay-inspirasyon sa mga kabataan. Isa ito sa mga paraan para malabanan ang kriminalidad at ang ilegal na droga. Gaya ng madalas kong payo sa mga kabataaan, get into sports, stay away from drugs to keep us healthy and fit.
Bago ang session break sa Senado, nagpahayag din tayo ng suporta para maamyendahan ang Universal Healthcare Law, partikular ang pagbabayad ng PhilHealth premium. Bilang Chair ng Senate Committee on Health, para sa akin ay nararapat lamang na muling suriin ang itinakdang pagtaas sa kontribusyon sa PhilHealth.
Maraming miyembro nito ang walang kakayahang magbayad ng kanilang premium na itinakda sa UHC sa ngayon dahil marami ang bumabangon pa mula sa hirap na dulot ng pandemya tulad ng ating mga bagong bayani na OFWs. Para sa akin, dapat mabigyan ng gobyerno ang lahat ng konting palugit sa kanilang mga bayarin bilang pagmamalasakit sa kanilang pinagdaraanan sa paraang hindi naman maaapektuhan ang serbisyo na dapat nilang makuha sa PhilHealth pagdating sa kalusugan.
Tuluy-tuloy naman tayo sa ating mga gawain sa labas ng Senado para rumesponde sa ating mga kababayan lalo na ang mga mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa gobyerno.
Kaugnay ng pagdiriwang ng Women’s Month at bilang Chair ng Senate Committee on Sports, naging panauhing pandangal at tagapagsalita tayo sa ginanap na 1st Women in Sports Awards ng Philippine Sports Commission sa Rizal Memorial Sports Complex noong March 20. Binigyang-puri natin ang mga atletang Pilipina sa kanilang kontribusyon at paghahatid ng karangalan sa ating bansa sa larangan ng sports.
Nasa Bulacan naman tayo noong March 21 at pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa 1,250 na mga residente ng Pandi. Nakatanggap ang mga ito ng tulong mula sa lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng ating suporta. May hiwalay ding 1,250 benepisyaryong mabibigyan ng parehong tulong sa mga susunod na araw. Sinaksihan natin ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa lugar at namahagi naman ng tulong sa 100 na community leaders doon.
Nagpapasalamat ako kina Congressman Ambrosio Cruz Jr., Vice Governor Alex Castro, Mayor Enrique Roque, Vice Mayor Luisa Sebastian, Board Member Richard Roque, at iba pang opisyal sa kanilang mainit na pagtanggap.
Dumiretso rin tayo sa Muntinlupa City para personal na alamin ang kalagayan at maghatid ng tulong sa 995 residente na naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog kamakailan.
Kahapon, March 22, personal nating sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Brgy. Pasig, Lambunao, Iloilo kasama si Mayor Reynor Gonzales.
Pinangunahan natin ang pagkakaloob ng tulong sa 500 residente roon. Namigay tayo ng grocery packs, pagkain, bitamina, masks, bola at iba lang suporta sa kanila.
Nakatanggap din sila ng pansamantalang trabaho mula sa DOLE.
Pagkatapos ay pumunta tayo sa Iloilo City para sa ginanap na Lady Local Legislators League of the Philippines National Summit sa paanyaya ni Vice Governor Christine Garin. Magkakaiba man ang aming posisyon, pareho ang aming hangarin na magserbisyo sa aming kapwa.
Sa parehong araw, pinuntahan ng aking tanggapan ang 84 na mga nasunugan sa Brgy. Airport upang mabigyan ng tulong. Nagbigay tayo ng dagdag na tulong sa 1,000 mahihirap na residente ng Iloilo City katuwang si Cong. Jam Baronda.
Nakarating naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang parte ng ating bansa para matulungan ang mga kapwa natin Pilipino na nahaharap sa iba’t ibang krisis gaya ng mga naging biktima ng insidente ng sunog kabilang ang 61 sa Mandaluyong City; lima sa Tagum City, Davao del Norte; 45 sa Surigao City; 67 sa Bocaue, Bulacan; at 15 sa Brgy. Tugatog, Malabon City.
Nagbigay tayo ng tulong sa ilang dumalo sa ginanap na 69th Founding Anniversary ng Brgy. Linosutan, Kaputian District sa Island Garden City of Samal; at 1,500 na lumahok sa Women’s Month Celebration sa Lupon, Davao Oriental.
Sa ating paggunita sa Semana Santa, gawin nating inspirasyon ang okasyon para magkaroon tayo ng makahulugang buhay sa kabila ng mga pagsubok na ating pinagdaraanan. Bilang inyong Mr. Malasakit na ang tanging bisyo ay magserbisyo, lagi kong paalala sa lahat na unahin ang kapakanan ng ating kapwa at hinding-hindi tayo magkakamali. Patuloy akong tutulong at magseserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya, dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa kapwa ay serbisyo iyan sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments