by Info @Brand Zone | Nov. 29, 2024
Ang National Children’s Month ay ipinagdiriwang buong Nobyembre taun-taon at naglalayon na bigyan ang mga batang Pilipino ng access sa isang malusog na kapaligiran, magandang edukasyon, at pangangalaga sa kalusugan.
At bilang suporta sa pagdiriwang na ito, ang PhilHealth ay nagbibigay impormasyon din tungkol sa mga benepisyong PhilHealth laan para sa mga bata. Kaya alamin ang mga benepisyo para sa mga batang may developmental at visual disabilities, at mobility at hearing impairment sa ilalim ng Z Benefits package.
Ang Z Benefits ay magagamit para sa assessment at discharge assessment para sa developmental disabilities na aabot hanggang P5,276.
Sagot nito ang mga serbisyo para tulungan ang mga batang may delay sa kanilang sensorimotor, communication, social, emotional, at behavioral skills.
Sa ganitong paraan, matutulungan ng PhilHealth ang mga pamilya at bata na lagpasan ang mga hamon sa kundisyong ito. Bukod pa dito ang P5,000 na benepisyo para sa rehabilitation therapy hanggang 10 sessions.
Para naman sa children with visual disabilities, may benepisyong magagamit hanggang P13,820 para sa optical aids, depende sa pangangailangan ng pasyente. Para masigurong tama ang kanilang magiging gamutan may coverage naman para sa assessment mula P7,350 hanggang P31,920. At may yearly diagnostic benefits na aabot sa P3,220 para sa Category 1 to 4 na pasyente, at P780 kada taon sa Category 5 patient.
Sa mga batang hirap sa paggalaw o may mobility problems na nangangailangan ng wheelchair, ang Z Benefit na kanilang magagamit ay P12,730 hanggang P29,450.
At iyong mga mangangailangan ng iba pang assistive devices para maigalaw nang maayos ang kanilang siko, balakang, tuhod, at paa ay may aasahang benepisyo mula P13,110 hanggang P163,540. Sakop nito ang assessment, pagsukat at fitting ng mga assistive devices, at rehabilitation services.
Kasama rin sa sasagutin ng PhilHealth ang hearing aid ng mga batang hirap sa pandinig o may hearing impairment, depende sa klase at edad ng pasyente. Para sa mga batang wala pang 3 years old, may package na P45,400 sa may edad 3 to 6 years old, may P54,100 at para sa edad 6 years old to less than 18 years old ang package ay P43,880 . Kasama pa dito ang speech therapy assessment, speech evaluation, pagpapalit ng hearing aid, at iba pa na pwedeng umabot sa higit P60,000 ang coverage.
Paalala ng PhilHealth, ang mga Z Benefits na ito ay magagamit ng mga batang wala pang 18 taon gulang. Dapat ay pumasa sila sa pre-authorization para makagamit ng benepisyo. Kaya naman magpunta na sa Z Benefit-contracted hospital at sumailalim na sa pre-authorization para agad malaman kung makagagamit ng benepisyo
Para sa listahan ng mga contracted hospitals:
https://www.philhealth.gov.ph/partners/ providers/facilities/contracted/
Para sa detalye, tumawag sa 24/7 (02) 8662-2588
PhilHealth Your Partner in Health / BAGONG PILIPINAS
Comments