ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Feb. 21, 2025
ISSUE #346
Ang kaso na aming ibabahagi sa araw na ito ay ang People of the Philippines vs. Dionisio Raganit y Bucarille, (CA-G.R. CR-H.C. NO. 13557, March 9, 2022), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Jaime Nina G. Antonio Valenzuela.
Matututunan natin sa kasong ito ang mahigpit na pagpapatupad ng hukuman ng mga apela sa pagkilala sa circumstantial evidence.
Ang paratang na paggawa ng krimen ay maaaring maghatid sa isang tao na inaakusahan hindi lamang sa pagbabayad-pinsala kundi pati na rin sa kawalan niya ng kalayaan. Kung kaya’t mahigpit na pagsusuri ang ipinatutupad ng mga hukuman, nang sa gayun ay makamit ang katarungan ng biktima at inakusahan.
Sama-sama nating tunghayan at alamin kung ano ang naging pinal na hatol ng hukuman ng mga apela sa kaso na ito.
Ang biktima na si Jose ay pinaslang noong ika-21 ng Hulyo 2016. Ang pinagbintangang pumaslang ay si Dionisio. Kaya naman, naharap si Dionisio sa mabigat na kasong murder.
Batay sa paratang na inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Vigan City, Ilocos Sur, bandang alas-7:00 ng gabi, noong ika-20 ng Hulyo 2016, magkasama umano sina Jose, Dionisio, Rodrigo at Lazaro na nag-iinuman sa bahay ni Lazaro sa Sta. Catalina, Ilocos Sur.
Bandang alas-9:00 ng gabi naman ay nagpunta umano sina Jose, Dionisio at Rodrigo sa ilog sa San Gregorio, Sta. Catalina, upang mangisda. Habang nangingisda umano sila, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan nina Jose at Dionisio, dahilan upang magpasya umano sina Jose at Rodrigo na umuwi sa bahay ni Jose.
Bandang alas-11:00 ng gabi, nang makauwi ang dalawa, agad na nagsabi umano si Jose kay Rodrigo na siya ay babalik sa ilog at hindi na umano sumama si Rodrigo kay Jose.
Bandang alas-12:15 ng hatinggabi, noong ika-21 ng Hulyo 2016, nakita umano ni John Paul si Dionisio at Jose na payapang naglalakad malapit sa ilog.
Si John Paul ay nasa terasa umano sa ikalawang palapag ng bahay na kanyang inaalagaan, may sampung metro mula sa kung nasaan sina Dionisio at Jose.
Bandang alas-5:00 ng madaling araw, nakita umano ni Nestor ang katawan ni Jose sa bukirin ng Sitio San Gregorio sa Sta. Catalina.
Natagpuan diumano sa crime scene nina SPO2 Reynon, SPO1 Quitevis, at mga miyembro ng Scene of the Crime Operatives, ang isang puting t-shirt, isang sumbrero at isang asul na tela na pantakip ng mga gamit pang-motorsiklo, may limang metro ang layo kung nasaan ang katawan ni Jose.
Ang mga sample ng dugo na nagmula umano sa nasabing t-shirt at sumbrero ni Jose na nakolekta ni SPO1 Quitevis ay ipinadala sa Regional Crime Laboratory para sa DNA examination.
Kinilala umano ng mga kaanak ni Jose ang kanyang bangkay. Sila rin umano ang nagsabi kay SPO2 Reynon na kainuman ng biktima si Dionisio noong gabi bago ang pamamaslang. Dahil dito, inanyayahan ng mga pulis si Dionisio sa kanilang himpilan. Doon ay itinanggi umano si Dionisio na siya ang pumaslang sa biktima. Habang nagaganap ang pagtatanong kay Dionisio, meron umanong sumigaw mula sa labas ng himpilan. Nakitaan diumano ng dugo ang motorsiklo ni Dionisio. Agad na sinuri ng mga pulis ang naturang motorsiklo na nakaparada sa harap ng Municipal Hall ng Sta. Catalina at nakita umano sa accelerator grip ang mantsa ng dugo.
Kapansin-pansin din umano na merong asul na tela na nakatakip sa upuan ng nasabing motorsiklo na kawangis ng asul na tela na nakita sa crime scene.
Kinuha ng mga pulis ang naturang motorsiklo at inilagay ito sa labas ng kanilang himpilan.
Noong ika-22 ng Hulyo 2016, nang ma-swab ang nakitang dugo sa motorsiklo at naipadala ang sample sa Regional Crime Laboratory para sa DNA examination.
Batay diumano sa DNA Laboratory Report With Control No. 02769, nagmula sa iisang tao ang mga nakolekta na dugo mula sa puting t-shirt at sumbrero ng biktima at sa accelerator grip ng motorsiklo ni Dionisio.
Kaya naman, nagsagawa ng secondary reference standard via buccal swab samples sa mga magulang ni Jose na sina Eugene at Luisa.
Batay diumano sa DNA Laboratory Report With Control No. 02916, hindi maisasantabi na sina Eugene at Luisa ang mga magulang ng may-ari ng mga dugo na nakuha mula sa nasabing t-shirt, sumbrero at sa accelerator grip ng motorsiklo, at lumabas din umano sa DNA profile na kay Jose ang nakolektang dugo.
Sa testimonya ni Dr. Ragasa, isang Medico-Legal Officer, nagtamo ng sampung external stab wounds at anim na internal stab wounds si Jose.
Batay sa Autopsy Report at kutsilyo na ginamit sa pananaksak. Hindi umano matukoy kung biglaan at hindi inaasahan ang pagkakasaksak sa biktima, subalit base sa mga tinamo nitong sugat sa mga braso ay dumepensa umano si Jose.
Ang estima umano ng pagkamatay ng biktima ay bandang alas-3:00 hanggang alas-4:00 ng madaling araw, noong ika-21 ng Hulyo 2016.
Para naman sa depensa, nag-inuman diumano sina Jose, Dionisio, Rodrigo at Lazaro sa bahay ng huli bandang alas-7:00 ng gabi, noong ika-20 ng Hulyo 2016.
Makalipas diumano ang dalawang oras ay nagtungo sina Jose, Dionisio at Rodrigo sa ilog upang ilatag ang kanilang lambat. Mula umano sa ilog ay magkasama na umuwi sina Jose at Rodrigo, habang si Dionisio ay umuwi sa kanyang bahay mag-isa.
Bandang alas-12:00 ng hating gabi ay kumain pa umano si Dionisio at Lorena na kanyang asawa, at pagkatapos nu’n ay sabay nang natulog.
Nagising na lamang diumano ang mag-asawa, bandang alas-6:00 ng umaga, noong ika-21 ng Hulyo 2016, nang dumating ang mga mga pulis sa kanilang bahay. Inaanyayahan diumano si Dionisio sa himpilan upang magbigay-linaw sa pagkamatay ni Jose. Agad umanong pumunta si Dionisio sa himpilan lulan ng kanyang motorsiklo na kanyang ipinarada sa Municipal Hall. Habang tinatanong si Dionisio ng mga pulis, meron umanong sumigaw na may nakita umanong dugo sa kanyang motorsiklo. Diumano, nilitratuhan ng mga pulis ang kanyang motorsiklo at ipinagpatuloy ang pagtatanong sa kanya kaugnay sa pagkamatay ni Jose.
Ani pa ng depensa, si Rodrigo ang huli na nakasama ni Jose noong gabi ng Hulyo 20, 2016, na taliwas sa pahayag ni John Paul.
Iginiit din ng depensa na wala umanong naging alitan sa pagitan ni Dionisio at Jose at itinanim lamang umano ang bakas ng dugo na nakita sa kanyang motorsiklo, sapagkat wala umanong gumamit ng nasabing motor mula noong siya ay makauwi hanggang sa magpasya siya na magpunta sa himpilan ng pulis. Noong umaga rin ng ika-21 ng Hulyo 2016 ay nasa Bureau of Fire ng Sta. Catalina umano si Delfin, katabi lamang ng Municipal Hall, nang mapansin nito na merong higit sa sampung katao na nag-uumpukan sa motorsiklo ni Dionisio at na may bigla na lamang sumigaw na meron umanong dugo ang nasabing motorsiklo.
Sinuri umano ni Delfin ang motorsiklo at napansin nito na merong tuldok at kulay rosas na tuyong dugo sa accelerator grip. Matapos diumano na kumpiskahin ng mga pulis ang motorsiklo, agad nila itong dinala sa kanilang himpilan.
Nagbaba ng hatol ang RTC noong ika-19 ng Agosto 2019. Guilty beyond reasonable doubt si Dionisio para sa krimeng murder. Parusa na reclusion perpetua without eligibility of parole ang ipinag-utos na sentensiya, kaakibat ang kanyang pagbabayad-pinsala at danyos.
Hindi binigyan ng timbang ng RTC ang pagtanggi ng nasasakdal. Bagkus, binigyang-halaga ng RTC ang mga inihain na circumstantial evidence ng tagausig laban kay Dionisio.
Napagtibay rin diumano ng tagausig ang qualifying circumstance na treachery sa dami ng tinamo na saksak ng biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito na nagpapakita umano ng kawalan nito ng pagkakataon na depensahan ang sarili o makaganti man lang sa pag-atake sa kanya.
Dahil hindi sang-ayon sa naturang paghahatol, naghain si Dionisio ng kanyang apela sa Court of Appeals (CA), Manila. Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan A.C.V. Calero, iginiit ng depensa na lubos na mali ang ibinabang hatol ng RTC, sapagkat hindi umano sapat ang circumstantial evidence na inihain ng tagausig.
Mali rin umano ang RTC sa hindi nito pagbibigay ng timbang sa pagtanggi ni Dionisio kung isasaalang-alang ang kahinaan ng ebidensiya ng tagausig.
Matapos ang mabusisi na muling pag-aaral ng CA, Manila sa kaso ni Dionisio, kinatigan ng hukuman ng mga apela ang kanyang legal na dalangin.
Binigyang-diin ng CA, Manila, ang mga kondisyon upang magamit na basehan sa conviction ang circumstantial evidence: Una, dapat ay merong ipinrisinta na higit sa isang sirkumstansya; Ikalawa, dapat ay napatunayan ang mga impormasyon kung saan nagmula ang mga sinasabing sirkumstansya; At ikatlo, ang kombinasyon ng mga sirkumstansya ay nagpapakita ng pagkakasala ng nasasakdal nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.
Ayon sa appellate court, mahalaga rin na ang lahat ng sirkumstansya ay binubuo ng walang-patid na mga pangyayari na maghahatid sa makatarungan konklusyon na sa pagbubukod ng ibang tao, ang nasasakdal ang siyang gumawa ng krimen.
Para sa CA, Manila, hindi umano sumapat ang ipinrisinta ng tagausig na mga ebidensiya upang mahatulan na may sala si Dionisio para sa krimeng murder.
Una, bagaman merong alegasyon na nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan nina Dionisio at Jose, tila ito ay kanilang naresolba batay na rin sa testimonya ni John Paul na nakita nito ang dalawa na payapa na naglalakad malapit sa ilog.
Bagaman maaari umano na ikonsidera ang sirkumstansya na si Dionisio ang huling tao na nakitang kasama ni Jose, batay sa testimonya ni John Paul, hindi pa rin ito nangangahulugan na siya na ang pumaslang sa biktima.
Bagaman maaaring magbunga ng ispekulasyon ang naturang sirkumstansya, kinakailangan pa rin na mapatunayan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa na siya ang may-akda ng pamamaslang.
Mali rin umano ang RTC na ikonsidera nito bilang ebidensiya ang asul na tela na nakita sa crime scene, gayung hindi ito pormal na inihain ng tagausig sa hukuman bilang ebidensiya.
Ang ipinrisinta lamang diumano sa hukuman ay ang larawan ng asul na tela na nakita sa crime scene at ang asul na tela na nakita sa upuan ng motorsiklo.
Ipinaalala ng appellate court, ang tuntunin na nakasaad sa Rule 132, Section 34 ng Rules of Court na hindi maaaring ikonsidera ang anumang ebidensiya na hindi pormal na inihain sa hukuman.
Dagdag pa ng hukuman ng mga apela, hindi sinabi at hindi napatunayan ng tagausig na si Dionisio nga ang may-ari ng naturang asul na tela at ng mga gamit na pang-motorsiklo na nakita sa crime scene.
Hindi rin umano maisangtabi ng appellate court ang posibilidad na kontaminado ang bakas ng dugo na natagpuan sa accelerator grip ng motorsiklo ni Dionisio, sapagkat ang sample ng naturang bakas ay nasuri lamang makalipas ang isang araw mula nang matagpuan ito.
Wala umanong naging paliwanag kung bakit naantala ang pagsusuri nito. At sa larawan na ipinrisinta ng tagausig sa hukuman, nakita umano na nakaparada ang naturang motorsiklo sa labas lamang ng himpilan ng pulis na walang takip na maaaring magbigay ng proteksyon dito mula sa mga likas na panganib, o na malapitan at mahawakan ng sinuman bago ito masuri.
Kung kaya’t sa desisyon ng CA, Manila, ipinag-utos nito na baliktarin ang naunang hatol ng RTC at ipawalang-sala si Dionisio sa krimeng murder.
Hangad ng bawat Manananggol Pambayan, kaisa na ang aming buong tanggapan, na makapagbigay ng tapat at maagap na serbisyong legal sa bawat nangangailangan nito. Higit lalo, patuloy na hangarin namin na mapawalang-sala ang aming mga kliyente na maling inaakusahan ng krimen.
Gayunpaman, hangad din namin na mapanagot ang sinumang lalabag sa batas at ang bawat krimen ay tuluyan nang malutas. Ipinapanalangin namin na matukoy sa lalong madaling panahon kung sino ang totoong may-akda ng pamamaslang sa biktima na si Jose.
Hangad namin ang katarungan para sa kanya at sa kanyang mga naulila. Nawa ay sa kagyat na hinaharap ay makamit ng kanyang kaluluwa ang katahimikan at kapayapaan.
Comentarios