ni Ambet Nabus @Let's See | February 13, 2024

Hindi namin alam kung nang-iinsulto o simpleng nang-iintrigang reaksiyon lang ang nais ipahiwatig ni Javi Benitez sa naging pagkaklaro ni Ivana Alawi sa pinag-uusapang relasyon diumano nila ni Bacolod Mayor Albee Benitez.
Naglabas na kasi ng pahayag si Ivana hinggil sa pagkakadawit niya kay Mayor Albee, tatay ni Javi at blocktimer producer ng ilang TV shows sa TV5, at the same time ay pulitiko rin.
Ang naturang reaksiyon ni Javi sa post ni Ivana ay simpleng tatlong laughing emojis na para sa mga netizens ay tila nang-aalaska o nang-iintriga.
Kasabay kasi ng pagkakasangkot ni Ivana sa isyu ang usaping lumabas na ipinahayag ni Mr. Albee na umano'y hiwalay na sila ng misis na si Nikki Benitez. Siyempre pa ay sinalungat nina Javi at nanay niya ang sinabi ni Mayor Albee.
Kaya naman, sandamakmak na "kabit" bashing ang inabot ni Ivana at dahil nadawit na ang pamilya nito, naglabas na ito ng pahayag na wala siyang kinalaman at relasyong anuman kay Mr. Albee.
Ayon pa sa sexy actress at sikat na vlogger, isang negosyante raw ang kanyang idine-date sa ngayon at hindi pulitiko.
Well, mabilis naman ang reaksiyon ng marami na baka raw nakakalimutan ni Ivana na "negosyo" rin ang pulitika sa Pilipinas kaya't negosyante ring matatawag ang isang pulitiko.
May kasama pang pang-uurat kay Ivana ang reaksiyon ng iba na bakit hindi nito magawang pangalanan ang negosyanteng tinutukoy niyang idine-date niya nang sa gayun ay malinis naman ang pangalan ni Mayor Albee?
Samantala, sa mga hindi nakakaalam, very much strong ang relationship ni Javi kay Sue Ramirez, kaya may showbiz connection talaga.
Comments