ni Ambet Nabus @Let's See | Feb. 12, 2025
Photo: Philmar at Andi - IG
Ngayong nagkabalikan na uli sina Andi Eigenmann at Philmar Alipayo, nag-boomerang naman sa una ang ‘nega’ comments ng mga netizens.
Although lahat ay nagsasabing okey namang nagkabalikan sila, pero ‘yung pagkadismaya at inis ng mga tao ay hindi rin mapipigilan.
Nagmistula kasing ‘korte’ ang sambayanan sa pasabog na inilantad ni Andi tungkol sa away-mag-asawa palang isyu nila. Kumbaga, naglaba ng maruruming damit si Andi sa publiko at dahil sa nagpatangay sila sa emosyon nila, hayun, nabuyangyang nga ang mga hindi kagandahang tawag, impresyon at judgement ng mga tao.
Ang ending tuloy, nakalkal ang mga lumang isyu sa aktres at napatunayan ngang may ‘mali’ sa emosyon nito, na kapag in love pala ito ay kung anu-ano ang gagawin makakuha lang ng atensiyon at higit sa lahat, pinagmukha na naman daw nitong ‘engot’ ang sambayanan.
Wala naman daw pakialam ang mga tao sa kung ano’ng meron si Philmar Alipayo para ipaglaban at ipagtanggol niya nang ganu’n-ganu’n na lang, pero sana nga raw ay hindi na niya ito ibinulgar sa publiko, lalo’t wala raw magandang salita na ipinukol dito ang sambayanan.
Baka raw sa susunod ay wala nang maniwala at kumampi kay Andi dahil umano’y legit siyang ‘baliw, luka-luka at ngarag’ pagdating sa pag-ibig.
“THE shortest hiwalayan of the year,” komento ng mga netizens na nag-akala nga na sina Andi at Philmar na ‘yung sumusunod kina Barbie Forteza at Jak Roberto na celebrity couple na naghiwalay this year.
“At ang taray, ha? Maraming ibang celebrities na nasangkot, na-mention at napaglaruan,” hirit pa ng marami.
Then enumerated nga sina Jake Ejercito, Albie Casiño at ultimong ang mga veteran stars na sina Rosemarie Gil at Eddie Mesa.
“Napa-Google nga kami. Sikat palang mga artista ang mga lolo’t lola ni Andi,” komento ng ilang netizens.
Nataon din kasing binisita pala ng mga veteran stars ang Siargao at nang makipag-lunch nga sina Andi at Philmar, hayun, nagbalikan na sila. Hahaha!
Si Jake naman ay itinag nang bongga ng mga fans nila dahil muli nila itong itinukso sa aktres na makipagbalikan. Kahit nga ‘yung na-timing na socmed post ni Jake ay iniugnay sa Andi-Philmar item. Pero sinabi nga ng guwapong aktor na wa’ siya care sa isyu. Hahaha!
At si Albie ay muling na-vindicate sa lumang isyu ng pagsisinungaling ni Andi sa dati nilang gusot. Makahulugang “Hahahaha!” lang ang nai-post nito sa naturang pang-eeklay ng netizen.
Nakakaloka, ‘di ba?
SA bonggang thanksgiving party ng LUXE sa pamosong EDSA Shangri La Ballroom, namataan namin ang mga celebrity endorsers nilang sina Dominic Roque, Dimple Romana, Winwyn Marquez, Alexa Ilacad, mga kilalang vloggers at ‘yung mga partners ni Ms. Ana Magkawas gaya ni Pinky Tobiano atbp..
Naloka kami kay Ruffa Gutierrez na bonggang host that evening pero sandali lang itong nag-host dahil ‘yung male co-host na niya ang naiwan sa duration of the show.
Sa halos 4 hours na itinagal ng program, parang wala pang one hour na nag-host si Ruffa. Hahaha!
Saglit naming nakahuntahan si Dom sa table niya at nagkumustahan kami ng mga raket kasama na ang ‘rider group’ nila nina Jak Roberto et. al. plus mga gawain sa Gabay Kalikasan at Gabay Guro.
Nang sabihin naming mas pogi at mukhang at peace na siya, agad niya kaming pinakiusapang, “No tsismis, Papa Ambet,” na siyempre pa ay inirespeto namin. Hahahaha!
At gaya ng naisulat na namin dito, ibang klase si Winwyn na personal talagang lumapit sa table ko at nakipagtsikahan at nakiusap pang hintayin ko raw ang dance number niya sa program.
True, mga Ka-BULGAR, kahit inabot ng 10 PM ‘yung portion niya, nag-wait kami at hindi naman kami nabigo sa napanood naming husay at galing niya. Tunay namang namana niya ang awra, alindog at mga kakaibang moves ng nanay niyang si Alma Moreno na noong ‘90s ay naging Dance Floor Diva o Queen din.
Gaya ni Winwyn, nilapitan din kami ni Dimples at nakipaghuntahan. In fact, ‘yung mga dealers ng LUXE ay bilib na bilib sa mga endorsers ni Ms. Ana dahil tunay na nakikihalubilo ang mga ito sa kanila.
Comentários