ni Julie Bonifacio @Winner | Nov. 1, 2024
Photo: John Wayne Sace arestado - Circulated
Napakabigat para sa anak ng alleged victim ng dating Star Magic artist na si John Wayne Sace ang pagkamatay ng kanyang ama na si Lynell Eugenio.
Determinado si Cristel Eugenio, anak ng napaslang na si Lynell, na bigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kanyang ama. But at the same time, humingi ng tawad si Cristel sa kanyang ama.
Naglabas ng kanyang saloobin si Cristel sa Facebook (FB).
Mensahe ni Cristel sa FB post niya, “Papa, patawarin mo ako. Walang silbi ang pagiging medic ko at ang mga inaral ko sa medical. Hindi kita natulungan.”
Magkababata at matalik na magkaibigan pala si John Wayne at ang ama ni Cristel, kaya laking-gulat daw nila ang pagbaril ni John Wayne kay Lynell.
Bago maganap ang krimen, nakita raw sa CCTV na minamatyagan na ni John Wayne ang alleged victim. At pagkatapos daw ng pamamaril, kaswal na naglakad diumano si John Wayne at sumakay ng taxi.
Sa isang motel natunton ng mga pulis si John Wayne. Napag-alaman ang motel na tinutuluyan ng dating aktor dahil sa FB post nito na piktyur niya sa isang lugar. Sakto at may palatandaan sa motel na ‘yun ang nakapag-report sa pulis kung ano at saan ang location ng lugar na pinuktyuran ni John Wayne.
Bukod pala kay Cristel ay may 14 years old pa siyang kapatid.
Salaysay pa ni Cristel sa interbyu, “Magbi-birthday pa naman ‘yung kapatid ko. Sobrang saya ni Papa kasi nakahanap s’ya ng trabaho kasi magbi-birthday ‘yung kapatid ko, para sana may panghanda. Tapos ganu'n ang mangyayari.”
Naging popular bilang dancer sa A.S.A.P. at nakasama ni Rayver Cruz sa grupong Animè si John Wayne Sace.
DAGUL, AFTER LAIT-LAITIN SI COCO, HUMINGI NG AYUDA
BALIK-TELEBISYON ang komedyanteng si Dagul via ABS-CBN hit action-drama series FPJ's Batang Quiapo (BQ) ni Coco Martin.
Sa ika-444 episode ng serye umapir si Dagul bilang si Pido.
Isa ang karakter ni Dagul sa hit-action series sa mga kritiko ni Coco bilang si Tanggol na nagbalik sa Quiapo para magbigay ng ayuda sa kanilang mga kapitbahay.
Pagkatapos magsabi ng kung anu-anong masasamang salita kay Tanggol habang nakaupo sa wheelchair, inutusan niya ang kanyang anak na si Pipay (Jkhriez Pastrana) para kumuha ng ayuda mula kay Tanggol.
Si Jkhriez ay real-life daughter ni Dagul na ang tunay na pangalan ay Romy Pastrana.
Sa isang panayam kay Dagul, inamin niya na nahihirapan siyang tustusan ang kanyang pamilya sa pananalapi bukod pa sa ‘di maayos ang kanyang paglalakad.
Panoorin ang BQ sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Cinemo, A2Z, TV5, iWantTFC and TFC.
Comments