ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 6, 2020
Ang mga atleta ay kabilang sa pinakamalulusog na mga tao. Palibhasa, sila ay may disiplina sa mga gawain na nakatutulong sa pagpapanatili ng kanilang mabuting kalusugan at magandang pangangatawan. Kabilang sa sektor ng mga kabataang atleta si John Marky Ferrer, anak nina G. Angelo at Gng. Nerie Ferrer ng Tarlac. Dahil dito, inaasahan ng mag-asawa na magiging maayos ang lahat pagdating sa kalusugan ni John Marky, subalit taliwas sa kanilang inaasahan ang nangyari. May palaro nang sinubok ang katatagan ni John Marky bilang atleta. Anang kanyang mga magulang:
“Noong February 23, 2018, bilang miyembro ng volleyball team ng Tarlac City sa xxx Athletic Association xxx ay lumuwas ang aming anak papuntang Malolos, Bulacan. Ayon sa aming anak, siya ay nagkalagnat sa kalagitnaan ng kanilang pag-e-ensayo para sa palaro noong February 25, 2018. Sinamahan ito ng pananakit ng kanyang kaliwang paa, subalit ito ay nawala rin kaya siya ay nakapaglaro rin sa opisyal na palaro.”
Dagdag pa ng mga magulang ni John Marky, “Noong March 3, 2018, pagkadating niya sa bahay, napansin naming hindi normal ang paglalakad niya dahil hinihila niya ang kanyang kaliwang paa. Tinanong namin siya kung bakit ganu’n siya maglakad, subalit sumagot lamang ang aming anak na wala raw ‘yun.”
Sana nga ay “wala lamang ‘yun,” ngunit sa kasamaang-palad, ang mga pangyayaring ‘yun ay nagsilbing sintomas ng naging malalang kalagayan ni John Marky na humantong sa kanyang kamatayan. Siya ay 11-anyos nang namatay noong Marso 16, 2018. Siya ang ika-39 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay naturukan ng Dengvaxia, una noong Marso 31, 2016 sa kanilang bahay; pangalawa noong Oktubre 11, 2016 sa kanilang paaralan; at pangatlo noong Hunyo 16, 2017 sa isang health center sa Tarlac. Ayon sa kanyang mga magulang, sila ay naudyukang pumayag na mabakunahan si John Marky ng Dengvaxia dahil sinabihan sila ng mga nagturok na health workers na ito ay makabubuti sa kanya. At ito ay libre, sapagkat ito ay programa ng gobyerno, at ang bakuna ay mahal kapag pribadong klinika ang magtuturok.
Nang sumapit ang Agosto 2017, nagsimulang makaranas si John Marky ng pabalik-balik na lagnat. Pagkatapos nito ay naganap ang naikuwento sa itaas na pangyayari noong sumali siya sa isang palaro, at sinundan ng mga karagdagang sintomas ng palalang karamdaman na naganap sa iba’t ibang petsa ng Marso 2018 na nakasaad sa ibaba, bago bawian ng buhay si John Marky:
Marso 6, 2018 - Muling nakaranas ng pabalik-balik na lagnat na sinamahan ng panginginig ng kanyang katawan.
Marso 10, 2018 - Dinala si John Marky sa isang health center sa Tarlac.
Marso 11, 2018 - Nagreklamo ulit siya ng pananakit ng kaliwang paa at hirap sa paglalakad. Nagdugo rin ang kanyang ilong at siya ay nagsuka. Hindi na nawala ang pananakit ng kanyang paa.
Marso 13, 2018 - Dinala siya sa isang ospital sa Tarlac, parehong paa na niya ang sumasakit at ang buong katawan niya ay mainit. Dinala siya sa ICU at sinabihan ang kanyang mga magulang na siya ay may pneumonia. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng tiyan. Mayroon ding dugo ang kanyang plema tuwing siya ay nauubo at may lumabas pang rashes sa buo niyang katawan.
Marso 14, 2018 - Hindi gumanda ang kanyang kalagayan. Siya ay kinabitan ng oxygen dahil hirap siyang huminga at mataas din ang kanyang lagnat.
Marso 15, 2018 - In-intubate si John Marky. Siya ay nagreklamo ng pananakit at panghihina ng katawan. Siya ay nagwawala dahil siya ay namimilipit sa sakit ng kanyang tiyan at mga paa. Alas-6:00 ng gabi, sinabihan ng mga taga-ospital ang mga magulang ni John Marky na kailangan siyang ilipat dahil malaki na ang bayarin nila roon. Nang gabi ring ‘yun ay lumipat sila ng ibang ospital.
Marso 16, 2018 - Bumagsak na ang kalagayan ng kalusugan ni John Marky. Sa tuwing siya ay sina-suction, may lumabas na plema na may kasamang dugo mula sa kanyang bibig. Sabi ng mga doktor, kritikal na ang kanyang kalagayan. Alas-11:00 ng umaga, pagkatapos makipaglaban para sa kanyang buhay ay tuluyan nang pumanaw si John Marky.
Sa pagkamatay ng kanilang anak, nasabi nila G. at Gng. Ferrer ang sumusunod:
“Maayos ang kalusugan ng aming anak bago siya maturukan ng nasabing bakuna kontra dengue. Isa siyang atleta, masigla at aktibong bata, subalit nagbago ang lahat nang mabakunahan siya dahil naging sakitin na siya. Malusog si John Marky at hindi naman siya kinakitaan ng anumang uri ng karamdaman sa tuwing siya ay isinasailalim sa medical examination dahilan na rin sa kanyang pagiging volleyball player sa aming lugar.
“Palaisipan sa aming mag-asawa kung anong klaseng gamot ang ibinigay nila kay John Marky para makitil ang kanyang buhay sa murang edad.”
Ang kagustuhan nina G. at Gng. Ferrer na malaman ang katotohanan sa nasabing palaisipan at matamo ang katarungan sa naging kamatayan ni John Marky ang dahilan upang hingin nila ang tulong ng PAO Forensic Team, PAO at inyong lingkod. Patuloy kaming tumatalima sa mga ganitong hiling, lalo na sa mga kasong karamihan ay mga kabataan ang naging biktima. Sila ay mga produktibong miyembro ng lipunan. Kahit sila ay nasa kabilang buhay na, hindi namin sila kayang biguin, at ang kinakatawan nilang bagong henerasyon na katulong sana sila sa pagsulong nito ngayon.
Comments