ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Dec. 17, 2024
MAS MAINAM ANG AKAP KAYSA PORK BARREL -- Hindi dapat binabatikos ang pondong inilaan sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) kasi sa totoo lang, mas mainam iyang AKAP kaysa pork barrel funds.
Sa AKAP kasi ay tiniyak ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na mga mamamayang minimum wage earners at mga mas mababa pa ang kinikita ang makikinabang dito (AKAP), kaysa naman sa nabulgar na pork barrel scam noong year 2013 na si pork barrel queen Janet Napoles at ilang tiwaling pork barrel politicians lang ang nakinabang, period!
XXX
LUMABAS NA MAS MARAMI ANG OVP CONFI FUNDS GHOST BENEFICIARIES KAYSA DEPED CONFI FUNDS GHOST BENEFICIARIES -- Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na sa 1,992 pangalan na sinasabing nabiyayaan ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), ang 1,332 dito ay wala ring birth records, samantalang ang 670 pangalan na binigyan din daw ng confi funds ay maraming mga kapangalan.
Iyan ang sinasabi natin na lalabas sa pagsusuri ng PSA na mas maraming “confi funds ghost beneficiaries” sa OVP kasya “confi funds ghost beneficiaries” sa pinamumunuan ni VP Sara noon na Dept. of Education (DepEd). Ayon nga rin sa inanunsyo ng PSA noon na sa 677 “benepisyaryo” ng DepEd confi funds ay 405 dito ang wala ring birth records, at marami rin kapangalan ang 272 pangalan na “nabigyan” din daw ng confidential funds, boom!
XXX
KAPAG SINUSPINDE NG SEC ANG HIGIT 11,699 KUMPANYA, TIYAK MILYUN-MILYONG MADADAGDAG NA JOBLESS SA ‘PINAS -- Sinabi ng Securities and Exchange Commission (SEC) na posibleng suspendihin daw nila ang operasyon ng higit 11,600 kumpanya sa buong bansa dahil sa kabiguan na magsumite sa kanilang tanggapan ng financial statements at general information sheets.
Bakit naman sususpendihin ang operasyon, gayong puwede namang pagmultahin na lang?
Kapag tinotoo ng SEC ang banta nilang iyan ay asahan nang madadagdagan ang milyun-milyong jobless sa ‘Pinas, tsk!
XXX
SIBAKIN SINA CUSTOMS COMM. RUBIO AT DA SEC. LAUREL KAPAG WALA PA SILANG NAHULING MGA SMUGGLER -- Noong July 2023 State of the Nation Address (SONA) ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ay binalaan niya ang mga agri-smuggler na kesyo tapos na raw ang happy days ng mga ito, sabay utos sa Customs at Dept. of Agriculture (DA) na magsanib-puwersa sa pagtugis sa lahat ng mga smuggler sa Adwana, pero makalipas ang mahigit isang taon ay kahit isang smuggler ay wala pang nahuhuli ang mga otoridad.
Kamakalawa ay inatasan na naman ni PBBM ang Customs at DA na manghuli ng mga smuggler para raw masampahan na ng pinalakas na kasong Anti-Agricultural Sabotage Act of 2016.
Sakaling wala pa rin mahuling smuggler, ang dapat nang gawin ni PBBM ay sibakin sa puwesto sina Customs Comm. Bienvenido Rubio at DA Sec. Francisco Tiu Laurel, period!
Comments