top of page
Search
BULGAR

Akala yumao na dahil nawala ng mahabang panahon

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 21, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Kami ng nanay ko ay nakatira sa isang lupa na pag-aari ng aking ama. Sa kasamaang palad, hindi na namin siya matagpuan at wala na rin kaming komunikasyon sa kanya sa loob ng mahigit 10 taon. Sinubukan na namin siyang hanapin. Kami ay nagtanong-tanong sa mga kamag-anak niya, ngunit walang sinumang nakakaalam kung nasaan na siya. Siya ay 55 taong gulang nang siya ay mawala. Ngayon, ang lupang aming tinitirhan ay medyo malaki na para sa aming mag-ina kaya iniisip namin na ipagbili na ito at lumipat na lamang sa mas maliit na condominium upang mas malapit sa ospital at mga pamilihan. Dahil sa tagal ng panahon na hindi namin siya matagpuan at makausap, maaari na bang ipagpalagay na patay na ang aking ama upang maibenta na namin ang nasabing lupa bilang mga tagapagmana? — Ethan


 

Dear Ethan,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Articles 390 at 392 ng New Civil Code.  Ayon sa mga nasabing probisyon:


“Art. 390. After an absence of seven years, it being unknown whether or not the absentee still lives, he shall be presumed dead for all purposes, except for those of succession.


The absentee shall not be presumed dead for the purpose of opening his succession till after an absence of ten years. If he disappeared after the age of seventy-five years, an absence of five years shall be sufficient in order that his succession may be opened. 


Art. 391. The following shall be presumed dead for all purposes, including the division of the estate among the heirs:


(1) A person on board a vessel lost during a sea voyage, or an aeroplane which is missing, who has not been heard of for four years since the loss of the vessel or aeroplane;


(2) A person in the armed forces who has taken part in war, and has been missing for four years; 


(3) A person who has been in danger of death under other circumstances and his existence has not been known for four years.


Art. 392. If the absentee appears, or without appearing his existence is proved, he shall recover his property in the condition in which it may be found, and the price of any property that may have been alienated or the property acquired therewith; but he cannot claim either fruits or rents.”


Sang-ayon sa mga nasabing probisyon, ang isang indibidwal na nawawala, at hindi alam kung buhay pa o hindi, ay maaaring ikonsiderang patay para sa anumang layunin, maliban ukol sa usaping mana, kung siya ay nawawala sa loob ng pitong taon. Para sa usaping mana, ang isang indibidwal na may edad na 75 pababa ay maaaring ikonsiderang patay na, kung siya ay nawawala ng mahigit 10 taon. Kung siya naman ay higit 75 taong gulang nang siya ay nawala, siya ay maaaring ikonsiderang patay na, kung siya ay nawawala ng limang taon.


Ang mga nasabing probisyon ay pagkilala ng batas sa posibleng epekto ng pagkawala ng isang indibidwal ng mahabang panahon. Bilang isang indibidwal, siya ay may mga karapatan at ari-arian na kinakailangan ding protektahan ng batas. Ngunit, kinikilala rin ng batas ang kanyang pagkawala ng mahabang panahon at ang posibilidad na siya ay yumao na. Dahil dito, may mga pagkakataon na ang mahabang panahon ng pagkawala ay posibleng nagresulta sa pagpapalagay na yumao na ang isang indibidwal.


Sa iyong sitwasyon, dahil higit 10 taon nang nawawala ang iyong ama, maaari nang ipagpalagay na siya ay yumao na at umpisahan ang proseso ng paglilipat ng kanyang mga ari-arian sa kanyang mga tagapagmana. Maaari kayong magsampa ng kaukulang petisyon sa korte para rito. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page