ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 20, 2024
Dear Sister Isabel,
Kumusta kayo? Nawa’y lagi kayong masaya at ligtas sa lahat ng problema.
Sa takot kong tumandang dalaga, nag-asawa pa rin ako sa edad na 32. Maraming nanliligaw sa akin, kaya lang sobrang pihikan ko, pero pumayag din akong magpakasal sa lalaking akala ko si Mr. Right. Akala ko siya na ang karapat-dapat na mahalin. Pogi, may kaya sa buhay, mabait at mapagmahal. Subalit nang magsama kami sa iisang bubong, doon ko natuklasan na isa pala siyang batugan at mama's boy.
Nakadepende siya lagi sa mama niya at ayaw niyang magtrabaho kahit na may sarili na siyang pamilya.
Wala rin kaming sariling bahay, kung kaya nakikitira lang kami sa bahay nila. Nang isilang ko ‘yung beybi namin, akala ko magiging responsableng ama at asawa na siya, pero hindi pa rin pala.
Gradweyt siya ng kolehiyo at matalino. Kung tutuusin, kayang-kaya niyang makatagpo ng magandang trabaho, pero ayaw niyang gawin. Sa sobrang inis ko, iniwan ko siya at lumayas ako dala ang beybi namin. Umuwi ako sa pamilya ko, tinanggap naman ako ng mga magulang ko dahil nauunawaan nila ang buhay ko sa piling ng aking biyenan at asawang batugan.
Tama ba ang ginawa ko, Sister Isabel? Mahal ko siya, pero kung ganyan ang magiging attitude niya habambuhay, baka tuluyang mawala ang pagmamahal ko sa kanya. Nawa’y mapayuhan n’yo ako.
Nagpapasalamat,
Glenda ng Calamba, Laguna
Sa iyo, Glenda,
Dapat lagi kayong nag-uusap ng husband mo. Sabihin mo sa kanya lahat ng hinanakit mo. Maging honest ka sa kanya, baka kasi akala niya kuntento ka na sa buhay mo.
Mainam na ‘yung malinaw kesa malabo. Sabihin mo sa kanya hangga’t ‘di siya naghahanap ng trabaho para sa inyong mag-iina at hindi ka niya ibinubukod ng bahay, hindi ka babalik sa kanya. Hayaan mong maisip niya na ngayong may asawa na siya, alisin na niya ang pagiging mama's boy, at maging responsable ama at asawa na siya. Hindi na siya bata, nagkakaedad na siya at may anak na kayo na naghahanap ng kalinga at pagmamahal ng isang ama. Ipakita niya sa parents niya na kaya niyang mamuhay nang hindi nakadepende sa kayamanan nila.
Sa palagay ko, matatauhan siya kapag kinausap mo siya. Kung talagang mahal ka niya, susundin niya ang gusto mong mangyari.
Kung hindi naman, mananatili pa rin siya sa bahay nila kapiling ng kanyang pamilya.
Mas makakabuting d’yan ka na lang muna sa parents mo at ipagdasal na sana matauhan na ang asawa mo. Hanggang dito na lang, pagpalain ka nawa ng Dakilang Kataas-taasan, gayundin ang husband mo at ang inyong kaisa-isang anak. Malagay nawa sa ayos ang pagsasama n’yo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments