ni Madel Moratillo | April 5, 2023
Matapos mapaghinalaang may lamang ilegal na droga, sinira ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport ang isang laruang eroplano.
Sa isang post sa social media, ikinuwento ito ng OFW na si Rachell Anne Ramos, galing sa Hong Kong, at may connecting flight pauwi sa Laoag, Ilocos Norte.
Habang naghihintay umano siya ng biyahe, may lumapit sa kanyang empleyado dahil may nakita umano sa kanyang bagahe.
Dalawang beses umanong dumaan sa x-ray machine ang kanyang bagahe at ipinaamoy din sa K-9 dog.
Kaya para matapos na umano ang hinala sa laruan ay ipinasira na niya ito para magkaalaman.
Pero matapos ito, wala namang nakita na kontrabando sa loob.
Humingi naman ng paumanhin ang BOC sa nasabing OFW dahil sa pangyayari.
Kasabay nito, iginiit naman ni BOC spokesperson at Assistant Commissioner Vincent Maronilla na bago lang ang kanilang scanning machine.
Pinag-aaralan na rin aniya nila kung posibleng mabigyan ng kompensasyon si Ramos para sa nasirang laruan.
Commentaires