ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 6, 2021
Tuloy ang pananalasa ni Aivhan Maluto ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado ng pagtumbok matapos na itumba nito ang European champion mula sa Poland na si Mieszko Fortunski sa quarterfinals ng ginaganapna playoff rounds sa Poison VG 10-Ball 2.0 Virtual Tournament.
Si Naoyuki Oi ng Japan ang susunod na haharapin ni Maluto at kung malulusutan niya ang Hapones ay swak na siya sa finals kung saan isang hakbang na lang ang magiging layo niya sa champion’s purse na $5,500. Bukod dito ay siguradong kikilalanin na siya sa buong daigdig na isang malupit na cue artist mula na naman sa Pilipinas.
Maliban kina Maluto at Oi, nasa semifinals na rin ng online na bakbakang unang umusbong noong kalagitnaan ng lockdown at travel restrictions nung 2020 sina Jim Telfer ng USA at ang Polish na si Konrad Juszczyszn.
Si Maluto ay dehado laban kay Fortunski. Ang huli ay namayagpag sa Italian Open (2016) at sa European Championships (2015, 2018, 2019). Pero hindi ito naging hadlang sa pagpasok ng Pinoy sa final 4. Ang Polish ay pangalawa na sa mga higanteng pinabagsak ni Maluto. Nauna rito ay sinilat niya si Albin Ouschan ng Austria.
Hindi binigyan ng tsansang magwagi ng mga eksperto at ng mga miron si Maluto sa duwelo nila ng Austrian dahil bukod sa wala siyang marka sa pandaigdigang entablado ng pagtumbok, malupit na kalaban talaga si Ouschan.
Comments