top of page
Search
BULGAR

AICS Program ng DSWD para sa mahihirap, epektib

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | May 6, 2023


Bago nag-adjourn ang sesyon ng Kongreso noong Marso, naghain tayo ng isang counterpart bill o panukalang-batas na may kaugnayan sa inihaing panukala ni Congw. Stella Quimbo sa Mababang Kapulungan: ang institusyonalisasyon ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Layunin natin dito na magkaloob ng karagdagang tulong sa mga kababayan nating hinagupit ng iba’t ibang uri ng kalamidad at sakuna.


Matatandaang unang ipinatupad ang programa noong 2014, kung saan iba’t ibang uri ng tulong ang ipinagkaloob ng gobyerno tulad ng tulong medikal, educational, funeral, food at non-food, transportation, gayundin ang tulong sikolohikal. Napakahalaga ng mga tulong na ito, lalo na para sa mga kababayan nating lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.


Mababatid na base sa datos na lumabas sa Family Income and Expenditure Survey (FIES) ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumilitaw na noong 2021, 18.1% o halos 20 milyong Pilipino ang naghirap at ang kanilang kitang pangkabuhayan ay hindi sapat para sa kanilang mga pangangailangan.


Mahalagang mabigyang-pansin na ang datos na ito ay mas mataas sa 16.7% noong 2018. Ayon sa World Bank, base sa kanilang Poverty and Equity Brief on the Philippines, naging malaking dagok ang COVID-19 pandemic sa mahigit 30 taong pakikibaka ng gobyerno sa matinding kahirapan.


At bagama’t may tulong at suporta ang PhilHealth sa mamamayan pagdating sa mga usaping pangkalusugan, lumalabas na ang napakalaking gastusin pa rin sa serbisyong medikal ang nagtutulak sa ating mga kababayan sa kahirapan, partikular sa mga may malubhang karamdaman.


Dagdag pa rito, ang out-of-pocket payment (OOP) ay nananatiling malaking bahagi ng 2021 health expenditure na nasa 41.5%, ayon sa PSA.


Nar’yan din ang problema ng mga kababayan natin na matapos magpakonsulta sa mga ospital sa lungsod ay hindi agad makabalik sa kanilang lalawigan o malalayong lugar na kanilang pinanggalingan dahil wala nang pamasahe pauwi. Isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi nagiging regular ang kanilang pagpapasuri sa mga doktor. Ang masakit pa rito, dahil sa kawalan ng panggastos, marami sa mga Pilipino ay hindi handa sa biglaang pagkamatay, medical emergency o anumang kalamidad.


Panawagan natin sa mga opisyal ng gobyerno, liban sa long-term solutions, dapat ay magkaroon din tayo ng interventions na magsisilbing proteksyon ng pamilyang Pilipino na nalulugmok sa ganitong sitwasyon.


Sa ating pagsusumikap na mabawasan ang kahirapan sa bansa, napakahalagang makapagpatupad tayo ng mga mekanismong magsasalba sa mamamayan mula sa lugmok na kahirapan.


Dito, naniniwala tayo na ang AICS Program ay isa sa pinakaepektibong proyekto ng gobyerno.


Dahil sa epektibong pagpapatupad ng AICS Program, patuloy na itinataas ng Kongreso ang budget nito sa ilalim ng General Appropriations Act na mula P4.09 bilyon noong 2014, ang pondo ng AICS ay tumaas sa higit P36.5 bilyon ngayong 2023.


Umaasa tayo na sa pamamagitan ng panukalang ito, ang DSWD bilang sangay ng gobyerno sa social protection ay higit na mapalalakas at mapagtitibay upang mas mapalawak ang kanilang pagsisilbi sa publiko.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page