ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Mar. 20, 2025
Photo: Ms. Ai Ai Delas Alas - IG
Idolo ngayon ng mga babaeng brokenhearted si Ai Ai delas Alas. Nakikita kasi nila kung paano nilabanan ng Comedy Queen ang kanyang lungkot, galit at sama ng loob nang lokohin at hiwalayan ng kanyang mister na si Gerald Sibayan.
Idinaan na lang ni Ai Ai sa pagsu-zumba ang lahat ng kanyang hinagpis at kabiguan sa pag-ibig.
Well, nagkaroon ng panibagong sigla ang kanyang buhay. Dahil sa Zumba ay gumaan ang pakiramdam ni Ai Ai at unti-unti na siyang nakaka-move on.
Nagpapasalamat din si Ai Ai sa kanyang psychiatrist na si Tyrone Tamayo na tumulong sa kanya at nagpaliwanag ng journey na kanyang pinagdaraanan nang maghiwalay sila ni Gerald.
In due time, muli nang maririnig ang masasayang halakhak ni Ai Ai delas Alas at handa nang muling harapin ang mga hamon ng buhay.
Ex ni Tom…
CARLA, TYPE SINA PIOLO, ECHO AT SAM
ANG laki ng ipinayat ni Carla Abellana nang makita namin sa wake ng kanyang yumaong lola na si Delia Razon. Tingin namin ay bumata si Carla at maaliwalas ang kanyang aura.
Kuwento ni Carla, inabot ng kanyang lola ang panahon ng kanyang pag-aartista at madalas daw na ipinapayo sa kanya ni Delia na manatiling humble at huwag magbabago ang ugali.
Matagal nakasama ni Carla ang kanyang lola, kaya napaka-close nila sa isa’t isa.
May kontrata pa si Carla sa GMA Network at katatapos lang niyang gawin ang Widows’ War (WW) kasama sina Bea Alonzo, Jean Garcia, atbp..
Wish ni Carla na makagawa naman ng seryeng action/drama o kaya comedy. Pangarap din niya na makatrabaho sa serye sina Piolo Pascual, Jericho Rosales at Sam Milby.
Dahil nauuso na ang collab between GMA-7 at ABS-CBN, posibleng matupad ang wish ni Carla na makapareha si Papa P (Piolo Pascual) sa isang pelikula. Magpapaalam daw siya sa Regal Films kung saan mayroon siyang kontrata. Kinumusta rin namin ang love life ni Carla. Well, open naman daw siyang umibig muli kung may darating sa kanyang buhay.
Sa ngayon ay sa negosyo siya nakatutok, may sosyo siya sa ilang negosyo. At kahit papaano ay nakapagpundar na for future.
KAHIT abala na sa paghahanda sa nalalapit nilang kasal ng nobyong si Edgar Allan (EA) Guzman, nabigyan pa rin ni Shaira Diaz ng panahon ang kanilang negosyo na matagal niyang pinangarap at pinag-ipunan.
Nagkaroon ng opening ang Baa Baa Thai Tea na matatagpuan sa BF Homes, Parañaque.
Hands-on si Shaira Diaz sa kanyang milk tea business kahit abala siya sa programang Unang Hirit (UH) at Lolong.
Super excited at ang saya-saya ni Shaira dahil natupad ang dream nilang negosyo. Binigyan nila ito ng panahon, bago pa sila maging abala sa kanilang wedding preparations.
Ang pagkakaroon ng negosyo ay bahagi ng paghahanda nina Shaira at EA para sa kanilang future.
DESIDIDO na si Bela Padilla na muling harapin ang kanyang showbiz career. Kaya naman nagdesisyon na siya na tuluyang iwanan ang kanyang tirahan sa London, kung saan siya namalagi simula noong 2021.
Hinakot na ni Bela ang kanyang mga gamit at nag-empake, pero nalulungkot siya na lisanin ang London. Marami siyang memories na mahirap niyang kalimutan.
Nagbigay naman ng moral support ang ilang kaibigan at nagpadala ng kanilang mga mensahe sa kanyang pinagdaraanan. At isa na nga sa mga dumamay kay Bela ay si KC Concepcion.
Samantala, regular host ng It’s Showtime (IS) si Bela Padilla at nag-e-enjoy siya sa kanyang daily exposure sa show. Kaya muling nabuhay ang interes niya na balikan ang showbiz.
Nakapagsulat na siya ng ilang scripts na pampelikula at nakapagdirek na rin.