top of page
Search

Ahensiya na tututok sa problema ng mga mangingisda

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 25, 2022


Kabi-kabila ang isinasagawang pagtugon ng pamahalaan hinggil sa suliraning kinakaharap ng ating magsasaka sa bansa, kabilang na ang pagresolba sa smuggling ng gulay at iba pang pang-aabuso sa kanilang hanay ngunit tila walang nakatutok sa hanay ng mangingisda.


Napakalaki rin ng bilang ng ating mga kababayan ang nabubuhay sa pangingisda ngunit ang mga bayaning ito na pumapalaot sa gitna ng karagatan para makarating sa ating hapag-kainan ang iba’t ibang klase ng isda ay napakarami ding suliranin.


Wala kasing umiiral na partikular na panuntunan na gumagabay sa ating mga mangingisda kung paano ang sistema mula sa pangingisda, tamang bilihan at direksyon kung paano pauunlarin ang kanilang hanay na ngayon ay tila unit-unti nang namamatay.


Kaya nga naagaw ang aking atensyon sa panawagan ng grupo ng mga mangingisda na nais nilang magkaroon ng Department of Fisheries na mangangalaga sa kanilang kapakanan at tutulong para iresolba ang mga suliraning kanilang kinakaharap.


Ang naturang mangingisda na siyang kumakatawan sa mga mangingisda sa buong bansa ay mula sa Cavite at Zambales na pumapalaot sa West Philippine Sea para manghuli ng isda ngunit ilang ulit na umanong itinataboy ng malalaking barko ng Tsino.


Pinapayapa naman umano sila ng pamahalaan sa kanilang mga reklamo ngunit kung sinu-sino ang humaharap sa kanila at nais nila ng isang ahensiya na tututok sa kanilang mga pangangailangan bilang mangingisda.


Sa ilalim kasi ng Department of Agriculture (DA) ay mayroon tayong Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ngunit napakalawak ng sakop nito dahil sila ang responsable sa development, improvement, management, at conservation ng fishery and aquatic resources ng bansa.


Nais ng mga mangingisda na magkaroon ng ahensiyang magmamalasakit kung paano sasapat ang kanilang kinikita sa araw-araw para mabuhay ang kani-kanilang pamilya at dahil sa santambak na problema ng mga mangingisda ay marami na sa kanila ang dumaranas ng kahirapan.


Malaking problema rin ng mga mangingisda ang patuloy na pagtaas ng krudo na gamit nila sa bangka ngunit hindi naman nila maipatong sa nahuli nilang isda ang gastos dahil kontrolado ng mayayamang may-ari ng fishing vessel ang presyo.


Ang mga malalaking negosyante na tone-tonelada ang nahuhuling isda kumpara sa mga maliliit na mangingisda ay ibinabagsak umano ang presyo ng isda pagdating sa pamilihan kaya walang magawa ang mga maliliit kundi sumunod sa kanilang presyo kahit palugi.


Isa pa sa kanilang problema ay ang illegal fishing — ito umano ang mas matinding nagpapahirap sa ating mga mangingisda dahil unti-unti nang nauubos maging ang mga maliit na isda at kailangan pa nilang pumalaot sa mas malayo para makahuli.


Ang mga maliliit na gumagawa ng illegal fishing ay madaling mahuli dahil madali silang mapansin ng mga bantay-dagat lalo na kung gagamit ng dinamita at mga lambat na sobrang liit na mga butas dahil madaling makita.


Ngunit ang mga fishing vessel na pag-aari umano ng mga mayayaman ay hindi sinisita sa hindi pa natin matiyak na mga sumbong kung may katotohanan na may umiiral na ‘lagayan’ para makapanlamang nang husto ang naglalakihang fishing vessel sa karagatan.


May mga maayos namang fishing vessel ngunit sa mga lalawigang bahagi ng bansa ay may mga tinatawag na ‘pangulong’ ito 'yung barkong gumagamit ng masinsing lambat na nakakabit sa bakal at sinusuyod ang ilalim ng dagat.


Sa istilo ng pangulong walang nakakaligtas na isda kahit ang pinakamaliliit at higit sa lahat ay wala silang pakialam kahit sumayad sa pinakabuhangin ng dagat na sanhi rin ng pagkawasak ng mga corals at ito nga ang nakapagdududa kung bakit tuloy pa rin ang kanilang operasyon.


Lamang na lamang ang mga fishing vessel na ito dahil gumagamit sila ng fish finder machine kung saan ay nakikita ang mga lugar na nagkukumpulan ang mga isda at doon ay pagaganahin nila ang kanilang pangulong.


Masuwerte ang mga maliliit na mangingisda kung wala silang makasabay na fishing vessel sa dagat na imposible namang mangyari at ang mga tira-tirang isda sa karagatan ang kanila na lamang pinagtiya-tiyagaan na karaniwan ay kulang pa sa kanilang pang-ulam ang nahuhuli.


Ilan lang ito sa suliraning kinakaharap ng ating mga mangingisda at hindi pa rito kabilang ang overfishing na isinasagawa ng mga Tsino sa ating karagatan na mas high-tech ang mga kagamitan na dahilan ng pagkaubos ng isda sa karagatan.


Idagdag pa ang mga isdang hinuli sa atin ay ibibenta rin sa atin ngunit imported na at mas mura ang presyo kaya maghahabol na naman ang ating mga mangingisda para hindi mabulok at maibenta na ang kanilang mga nahuli.


Bilang isang mambabatas ay nanghihinayang ako dahil hindi ko komite ang suliraning ito ngunit makaaasa ang mga mangingisda sa aking suporta sakaling dumating ang usaping ito sa Senado.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page