ni Grace Poe - @Poesible | November 16, 2020
Hindi pa man natatapos ang problema natin sa coronavirus, narito at ayaw yata tayong tigilan ng pagsubok ngayong 2020. Sunud-sunod na sinalanta ng mga bagyo ang ating bansa. Hindi pa man nakababangon mula sa pananalasa ng isa, hindi pa man nakapagpapagawa ng mga tinangay na bubong at nakapagbabalik ng kuryente sa maraming bayang apektado, may bagong malakas na bagyo na namang pumasok. Kumbaga sa pelikula, back-to-back ang bagyong tumama sa atin.
Kung Storm Signal No. 5 ang Rolly, matinding pagbaha naman ang dala ni “Ulysses”. Naririnig at nababasa natin na para itong “Ondoy” — napakalawak ng sakop ng pagkawasak. Mula Bicol hanggang Cagayan, pinahirapan at patuloy na pinahihirapan ang ating mga kababayan. Hanggang ngayon, nakalubog pa rin sa tubig ang maraming komunidad.
Bagama’t may ayudang inihahanda ang pamahalaan, hindi maikakaila ang kahalagahan ng tulong ng pribadong sektor sa pagsaklolo sa mga biktima ng kalamidad. Ang espiritu ng bayanihan ay buhay na buhay. Maraming Pilipino ang nagkukusang magsagawa ng relief operations para sa mga apektado ng bagyo sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Bukod sa pagre-repack ng relief goods na dinala at dadalhin pa sa iba’t ibang probinsiya, ang ating volunteers sa Panday Bayanihan ay nagkusang pumunta sa Marikina para maglagay ng food station upang makapagbigay ng mainit na lugaw sa mga apektadong residente ng Tumana. Sa bawat mangkok ng lugaw na nagpainit ng sikmura ng mga nilalamig dahil sa bagyo at baha, naipadama natin sa ating mga kababayan na hindi sila nalimutan sa panahong ito.
Gayunman, kailangan nating aminin sa ating sarili na ang relief operations, bagama’t napakahalaga ay panandaliang solusyon lamang. Higit kailanman, nakikita natin ang problema ng ating bansa sa disaster risk and reduction management. Kailangan natin ng malawakang kalibrasyon at pagsusuri sa sistema ng pagpaplano at pagtugon natin sa bawat kalamidad na darating at dumarating sa ating bansa. Kailangan natin ng dedikadong ahensiya na ito talaga ang magiging tugon para maiwasan ang ganito kalawak na trahedya.
Inihain natin ang Senate Bill No. 124 o ang panukalang “Philippine Disaster Risk Reduction and Management System Act” para sa pagbubuo ng disaster risk reduction management department na paglalaanan ng pamahalaan ng tatlong porsiyento ng kabuuang pondo nito. Sa dalas magkaroon ng kalamidad, lalong nakikita ang pangangailangan sa masusi at sistematikong paghahanda.
Hindi natin mababago na ang Pilipinas ay nasa daanan ng bagyo, pero mapagpaplanuhan at magagawan ng sistema ang paghahanda para sa kaligtasan ng ating mga kababayan, pati na ang pondo para sa pangangailangan ng mga maaapektuhan. Maaayos natin ang koordinasyon sa mismong mga sangay ng gobyerno para sa pamamahala ng mga dam, kasama na ang pagbibigay-babala kapag magpapawala ito ng tubig at ang posibleng epekto nito sa bawat komunidad.
Hindi huling bagyong dadanasin ng Pilipinas ang “Rolly” at “Ulysses”. Tutukan natin ang disaster risk reduction and management para hindi maulit ang lawak ng pagkawasak sa ating mga komunidad.
Comments