ni Alvin Olivar - @Sports | July 8, 2020
Pinatawan ng multang tig-P20,000 sina Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra at Adrian Wong ng Rain or Shine matapos maglaro ng 5-on-5 basketball sa isang gym sa San Juan City kahit pa nasa ilalim ng general community quarantine ang Metro Manila.
Bukod sa multa ay pinapag-swab test ng PBA sina Aguilar at Wong bago magtapos ang Martes. Pinasasailalim din ni PBA Commissioner Willie Marcial sina Aguilar at Wong sa isang 14-day quarantine at pagkatapos nito ay kailangan muli silang dumaan sa swab test.
Pinapag-community service rin sina Aguilar at Wong ng 30 oras.
Kamakailan ay lumabas ang isang video na nagpapakitang naglalaro ng 5-on-5 sina Aguilar at Wong kasama na rin sina Isaac Go at Thirdy Ravena. Mahigpit na ipinagbabawal ang paglalaro ng 5-on-5 basketball sa ilalim ng GCQ.
Dahil sa kumalat na video ay pinatawag ni Marcial sina Aguilar at Wong para sa kanilang paliwanag. Kasama rin sa meeting sina head of operations Eric Castro, legal counsel Melvin Mendoza, at mga opisyal ng Games and Amusement Board na sina commissioner Eduardo Trinidad, Dioscoro Bautista, at Rodil Manaoag.
Comments