ni Lolet Abania | April 27, 2022
Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11699, na nagdedeklara ng Agosto 30 bilang National Press Freedom Day, ayon kay acting Presidential Spokesperson Martin Andanar ngayong Miyerkules.
Sa Palace briefing, sinabi ni Andanar na ang pagdiriwang ay bilang pagbibigay-parangal sa ama ng Philippine Journalism na si Marcelo H. Del Pilar na isinilang sa parehong petsa noong 1850.
Ang National Press Freedom Day ay magiging isang working holiday.
Sa gagawing pag-obserba sa okasyon, lahat ng ahensiya ng gobyerno, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), government-owned and controlled corporations, local government units (LGUs) gayundin ang private sector, ay inaatasang maglaan ng oras para sa kanilang mga empleyado para makilahok sa anumang kaugnay na aktibidad na isasagawa sa loob ng kani-kanilang mga opisina.
Nagbigay din ng direktiba sa mga concerned agencies at media organizations na pamunuan ang mga public at private educational institutions sa pag-organisa ng mga aktibidad na magpapataas ng kamalayan sa kahalagahan ng press, kanilang mga karapatan, at social responsibilities, kabilang na ang mga impormasyon hinggil sa eliminasyon ng lahat ng uri ng karahasan laban sa press.
Comentários