ni Ryan Sison @Boses | Feb. 3, 2025
Kung mayroong wildfire sa California na sumira sa mga ari-arian at kabuhayan ng lahat ng mga residente sa lugar, nakaranas naman ng grass fire ang mga kababayan nating taga-Ilocos Norte.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), ang grass fire na tumama sa bulubunduking bahagi ng Carasi, Ilocos Norte nitong Huwebes, ay nakaapekto sa kabuuang 287 ektarya ng lupa.
Batay sa kagawaran, 50 ektarya ng kabuuang lupang apektado ay bahagi ng National Greening Program na pinangangasiwaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), at ang pagsiklab ng grass fire sa Barangay Barbaquezo ay ini-report naman ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Carasi noong January 30.
Gayunman, idineklara ng Bureau of Fire Protection (BFP) Ilocos Norte na kontrolado na ang sunog pagsapit ng tanghali kinabukasan. Habang opisyal na idineklara ng BFP na fire out pagsapit naman ng hapon, subalit nanatili ang mga isinasagawa nilang operasyon para matiyak ang kaligtasan ng mga tagaroon at sa bisinidad.
Ang MDRRMO Carasi ay nakikipagtulungan na sa BFP at mga forest rangers para i-contain o masugpo nang tuluyan ang grass fire, at mapigilan ang pagkalat pa, gayundin mabawasan ang tindi ng epekto nito.
Nag-provide din ang Carasi Municipal Police Station, kasama ang 1st at 2nd Philippine Marine Force Companies (PMFC), ng security at assistance para labanan ang naturang sunog sa lugar.
Dumating naman sa Ilocos Norte ang Philippine Air Force Tactical Operations Group 1 upang magsagawa ng kanilang heli-bucket operations.
Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay nag-deploy din ng dalawang aerial asset, kabilang ang isang Black Hawk helicopter at isang Huey helicopter, upang palakasin ang pagsisikap na malabanan ang grass fire.
Sinabi pa ng OCD na nagsagawa na rin ng aerial reconnaissance nitong Sabado upang masuri ang sitwasyon sa lugar.
Ayon din sa kagawaran, tinalakay na nila sa isang pulong ang paglikha ng mga fire lines upang maiwasan ang pagkalat ng grass fire, habang patuloy na mino-monitor ng mga
DENR forest rangers ang natitirang smoke o usok.
Mabuti at mabilis ang pagkilos ng mga ahensya ng gobyerno sa pagsugpo sa grass fire dahil kung hindi ay siguradong ubos ang kanilang kabuhayan at maaaring may mga residente pa sa lugar na mapahamak.
Hindi kasi puwedeng balewalain na lang ito dahil posibleng lumala at kumalat nang husto ang apoy. Kapag nangyari iyon, tiyak na mas maraming kababayan ang maaapektuhan.
Batid naman natin ang matinding nangyari sa California, na walang magawa ang mga residente roon kundi iligtas ang sarili at tanawin na lamang ang kanilang ari-arian habang unti-unting natutupok.
Hiling lang natin sa kinauukulan na ipagpatuloy ang ginagawang agarang pagresponde sa ganitong klase ng sitwasyon, na hindi na kailangang kalampagin pa bago kumilos, habang lagi sanang alalahanin na unahin ang kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments