ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 4, 2022
Dumating na ang matagal na nating pinangangambahan na isang araw ay maranasan natin ang tulad ng nangyari sa Noveleta, Cavite at sa iba pang lalawigan na dahil sa pagguho ng dike ay umapaw ang rumaragasang tubig na dulot ng Bagyong Paeng.
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Public Works ay ilang ulit nating iniuutos sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad magsagawa ng inspeksyon sa mga imprastruktura, lalo na 'yung mga lugar na naapektuhan ng lindol.
Ngunit hindi pa man din natatapos ang naturang inspeksyon ay rumagasa na ang Bagyong Paeng, kaya ngayon ay mas lumawak at nadagdagan pa ang mga dapat isaayos dahil bilyong pisong halaga ng imprastruktura ang winasak ng nagdaang bagyo.
Sa katunayan, kamakailan lamang ay nagsumite tayo ng resolusyon na naglalayong atasan ang nararapat na komite sa Senado na magsagawa ng inquiry, in aid of legislation hinggil sa pagkadamay ng maraming bagay at hindi mapigilang pag-usbong ng mga negatibong epekto ng climate change.
Ito ay upang matiyak lamang ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino hinggil sa delikadong banta na dulot ng pagtaas ng frequency at intensity ng natural na sakuna at kalamidad na sa huli ay masiguro na magkaroon ng sistema at polisiya na mapaninindigan ang kaligtasan at katatagan.
Ngayon dahil sa pananalasa ng Bagyong Paeng ay nagpadala na tayo ng pormal na sulat kay DPWH Secretary Manuel Bonoan na dapat bilisan ang pagsasaayos at konstruksyon ng mga tulay at iba pang imprastruktura na winasak ng naturang bagyo.
Partikular na tinukoy natin ang Bantilan Bridge na nag-uugnay sa Sariaya, Quezon at San Juan, Batangas; ang Paliwan Bridge na nagdurugtong naman sa Antique sa mga bayan ng Laua-an at Bugasong; at ang Nituan Bridge sa Parang, Maguindanao.
Bale karagdagang gawain ang mga ito sa unang hiniling natin na madaliin ang pagsasayos ng Carlos P. Romulo Bridge sa Bayambang, Pangasinan na bumagsak at isinisi sa isang overloaded truck na nagdaan sa naturang tulay na hindi naman dapat.
Nilalaman ng ating sulat sa DPWH na ang mga nabanggit na nasirang tulay ay kailangang magawan ng paraan na maisaayos sa lalong madaling panahon dahil pangunahin itong pangangailangan ng mga residente sa naturang mga lugar.
Dapat bilisan ang kilos ng DPWH at wala sanang masayang na panahon sa pagsasayos ng mga ito dahil bawat araw na lumilipas na hindi ayos ang mga tulay na ito ay napeperwisyo ang buhay at kabuhayan ng napakarami nating kababayan.
Sana tularan ng DPWH ang Japan pagdating sa mabilis na pagsasaayos ng mga nasirang imprastruktura, tutal nitong Oktubre 4 lamang ay mayroong nilagdaang kasunduan ang Pilipinas at Japan bilang magkasangga sa construction, operation at maintenance ng mga kalsada at tunnel infrastructure sa bansa.
Nakapaloob din sa kasunduan ang workshop na malaking tulong para maibahagi sa atin ng mga eksperto sa Japan ang makabagong teknolohiya para mapabilis ang trabaho sa construction, tulad ng mga nagdaang trahedya sa Japan na nawasak ang imprastruktura, ngunit kinabukasan lamang ay agad naisaayos.
Dahil sobrang bilis magtrabaho ng Japan ay inimbitahan sila para magkaroon ng malaking partisipasyon sa reconstruction ng bansang Ukraine para sa kanilang Fast Recovery Plan at nakumbinse ang Ukraine sa inilatag na rapid recovery plan ng Japan.
Ganitong standard ng trabaho ang sana ay matutunan ng DPWH dahil wala naman tayong ibang inaasahan sa mga ganitong kalamidad kung hindi ang DPWH na sana ay maitaas ang integridad at tiwala ng taumbayan pagdating sa kalidad ng trabaho.
Bahagi rin ng ating liham na sana ay agad na magsumite ng report ang DPWH sa Komite hinggil sa kabuuang pinsala ng mga pampublikong imprastruktura, kabilang na ang mga dike, gumuhong tulay at iba pang flood control infrastructure upang maihanda ang kaukulang pondo at mapabilis ang pagsasakatuparan nito.
Bilang mambabatas na sabik nang maisaayos ang mga nawasak na imprastruktura ay personal kong hihingin ang tulong ng Senate Committee on Finance na mabigyan ng kakailanganing pondo ang DPWH para mas mapabilis nila ang pagtatrabaho.
Gagawin natin ang ating makakaya na ang kakailanganing pondo ay maisama na sa 2023 national budget at titiyakin nating hindi maaapektuhan ang DPWH Quick Response Fund (QRF) dahil may iba silang pinaglalaanan hinggil dito.
Kaya mahalagang malagyan ng pondo ang DPWH, lalo na sa intensyong maisagawa sa lalong madaling panahon ang mga imprastrukturang nawasak at sa pagkakataong ito ay ipinapangako ko ng buung-buo ang ating suporta, ngunit dapat nilang tiyakin na bibilisan at pulido ang trabaho.
Kasabay nito'y kailangan talagang maging proactive ang DPWH sa pagtitiyak hinggil sa integridad at kaligtasan ng lahat ng pampublikong imprastruktura dahil kitang-kita naman natin ang resulta na bukod sa malaking pondo ang mawawala ay maraming buhay din ang nakataya.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments