ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | January 04, 2022
Tayo’y nagpapasalamat kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang agarang pagsasabatas at paglalagda sa 2022 national budget.
Malaking pasalamat din sa mga kasamahan nating senador na tulad ng inyong lingkod ay araw-araw ding nagpupuyat at nagsisikap, maisulong lang ang panibagong budget para sa susunod na taon.
Dahil alam nating lahat ang dagok na inabot ng ating mga kababayang sinalanta ng Bagyong Odette, napakalaking tulong ang maipaaabot ng gobyerno sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pambansang budget.
Ang Senado, sa pangunguna ng Senate Committee on Finance na ating pinamumunuan ay walang pagod na nagsagawa ng masinsinang pag-aaral sa national budget. Ito ay para masiguro nating papasa sa nauukol na panahon ang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Matindi ang pangangailangan ng mga lugar na nasalanta ng bagyo at mahalaga na maibuhos sa maagang panahon ang pera para mas maagang maipatayo ulit ang mga nasirang bahay, ospital, paaralan at iba pang imprastraktura at makabangon ang lahat ng naapektuhan.
***
Nakababahala ang bantang “PhilHealth holiday” ng mga pribadong ospital dahil mangangahulugan itong pagtanggi sa PhilHealth coverage ng mga pasyenteng miyembro nito.
Gayunman, sa isang banda, naiintindihan din natin kung saan nanggagaling ang bantang ito ng organisasyon ng mga pribadong ospital dahil sa hindi pa rin nareresolbang problema nila sa mga utang sa kanila ng PhilHealth.
May panukala ang mga kasamahan nating senador na atin ding inaayunan, upang matiyak na maayos ang estado ng pananalapi ng PhilHealth.
Ito ay ang paglilipat ng pangangasiwa ng nasabing ahensiya sa ilalim ng Department of Finance (DoF). Sa pamamagitan nito, ang pinansiya ng PhilHealth ay maiaayon sa prosesong ipinatutupad ng financial services industry.
Dahil financial insurance ang PhilHealth, mas makabubuti nga siguro na Finance department din ang hahawak sa kanila at hindi ang health department. Mas matutugaygayan nila ang takbo ng pondo, kung sasailalim sila sa pangangasiwa ng DoF.
Sa usaping pinansiyal, dapat ang nagmamantine niyan, finance professionals, actuaries and management experts. Siguro naman, pansin nating lahat na wala sa hulog ang finance management ng PhilHealth. Kaya nga lumaki nang ganito ang problema at lumobo sa bilyun-bilyon ang utang nila sa private hospitals.
Dapat nga, dahil may Universal Health Care Law na tayo, mas maging malakas at mahusay na ang PhilHealth. Pero, ano nangyari? Bakit mas lalong nanghina yata? Sila ang pinaka-sadsad na health arm ng ating health system.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
留言