ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | October 26, 2022
Habang unti-unti nating muling binubuhay ang tourism industry ay kailangang din nating tutukan ang mga serbisyo para sa mga turista.
Ilan dito ay ang seguridad at well-being ng mga turista habang sila ay nasa ating bansa.
Kamakailan ay may report na inilabas tungkol sa mga paksang ito, na posibleng magkaroon ng negative impact sa ating bansa, lalo na sa ating tourism industry.
☻☻☻
Isa na ang pagsasailalim sa “medium risk” ng ating bansa sa 2023 Global Risk Assessment Map na inilabas ng Global Guardian, isang kompanya na nakatuon sa travel risk mitigation services.
Ayon sa kanila, hindi “fully secure” ang mga bansang nasa medium risk. “Political instability and inadequate law enforcement make these countries vulnerable to criminality and sporadic unrest. State institutions are often ill-equipped to manage crises,” dagdag pa nito.
Color coded ang mapa ayon sa risk, na base sa mga indicators, tulad ng crime, health, natural disasters, infrastructure, political stability, civil unrest at terrorism.
Sa ASEAN region ay kasama sa medium risk ang Thailand, Cambodia, Laos at Indonesia; habang nasa “moderate risk” o “resilient” naman ang Malaysia, Brunei Darussalam at Vietnam. “Low risk” naman o “stable” ang Singapore.
☻☻☻
Isa pang dapat tutukan ay ang kalusugan ng mga turista, lokal man o banyaga, sa ating bansa. Habang unti-unti nating niluluwagan ang health protocols ay dapat din nating masiguro na ligtas ang pagbiyahe.
Isa tayo sa mga nagtataka kung bakit tila natagalan ang anunsyo ng DOH at iba pang concerned agencies tungkol sa pagkakatuklas ng mga bagong uri ng SARS-CoV-2 o ang virus na nagdudulot ng COVID-19. Inilabas ang report nitong nakaraang linggo lamang.
Ayon sa Philippine Genome Center, August 24 nila unang nadetect ang XBC variant, samantalang naitala ang unang Omicron XBB subvariant noong September 20.
Ilang araw matapos i-report ang pagkakatuklas ng mga uring ito ay iniulat naman ng DOH ang pagkakaroon ng local transmission sa ating bansa.
Kung mas maagang naiulat ang mga ito ay posibleng mas nakapag-ingat ang publiko sa banta ng mga bagong uri na ito, lalo pa at sinasabing mas nakakahawa at “immune-evasive” ang XBB subvariant o nakakaiwas sa immune system ng tao.
☻☻☻
Bilang chairperson ng Senate Committee on Tourism, buo ang ating pagsuporta sa mga inisyatiba at programa na magpapaunlad sa ating tourism industry.
Patuloy din ang ating pagsusuri at pakikipag-ugnayan upang mapalakas ang kakayahan at kapabilidad ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na tumugon sa tourist concerns.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments