ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 15, 2021
Habang papalapit ang pagkakaroon ng COVID-19 vaccine sa bansa, patuloy ang paghahanda ng lokal at nasyonal na pamahalaan upang matiyak na ang lahat ng prayoridad maturukan ay makatatanggap ng bakuna.
Kasabay nito, tiniyak ng Department of Health (DOH) na ipagagamot ng gobyerno ang sinuman sa mabibigyan ng COVID-19 vaccine na magkakasakit o magkakaroon ng negatibong epekto sa kalusugan.
Ayon kay Health Undersecretary Rosario Vergeire, binuo na ng National Adverse Effect Following Immunization Committee na titingin sa mga posibleng magkaroon ng hindi magandang epekto sa bakuna.
Gayundin, magkakaroon umano ng benepisyo ang mga tatamaan kabilang na ang pagsagot sa gastos nang pagpapagamot.
Matatandaang dumepensa ang ilang opisyal ang Sinovac COVID-19 vaccine deal na ikinasa ng gobyerno kahit lumalabas sa ilang trial na mas mababa ang efficacy rate o antas ng pagiging epektibo nito at mas mataas ang presyo sa iba pang bakuna.
Ang tanong, kung may mas mura at epektibong bakuna, bakit hindi ito ang binili? Sana sa umpisa pa lang, ‘yung mas epektibo at mura na ang binili ng gobyerno.
Kung tutuusin, maganda na may plano ang pamahalaan sakaling magkaroon ng hindi magandang epekto sa kalusugan ang nakahandang bakuna.
Pero sa kabilang banda, nakapagtataka dahil kung talagang ligtas ang bakunang ito, bakit tayo nangangambang may magkasakit dahil dito?
Kaya hindi tuloy maiwasan ng ilan na kuwestiyunin kung talagang epektibo at ligtas ang bakunang ito. Gayundin, mayroon na namang agam-agam ang publiko kung magpapaturok pa dahil baka sa halip na solusyon ang dala nito, eh, panibagong problema pa.
Pakiusap sa mga kinauukulan, pakiayos naman ang desisyon n’yo dahil hindi lang kayo nagdedesisyon para sa inyong mga sarili dahil ito ay para sa nakararami.
Tandaan na ang layunin nito ay para maisalba ang ating mga kababayan sa banta ng COVID-19.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments