ni Eli San Miguel - Trainee @News | December 7, 2023
Ipinahayag ng Surigao del Sur Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na patuloy na aftershocks mula sa lindol na may 7.4 magnitude ang nakakaapekto sa mga pagsisikap na ibalik sa normal ang sitwasyon sa lalawigan.
Nagsasabi ang datos na natanggap ng PDRRMO mula sa Municipal DRRMOs sa lalawigan, na 116,217 pamilya o 480,414 na indibidwal sa 237 barangay ang naapektuhan ng lindol.
Sinabi ng PDRRMO na 20,977 na pamilya o 69,771 na tao ang itinuturing na na-displace dahil nananatili pa rin sila sa 115 evacuation center sa lalawigan.
Nasira ang 834 na bahay at 1,141 ang bahagyang nasira dahil sa lindol at nagkakahalaga ng halos P10.3 milyon.
Umaabot sa P151.3 milyon ang pinsalang naranasan sa imprastruktura at pasilidad, kung saan P110.9 milyon ang para sa mga kalsada, tulay, at pader sa tabing-dagat.
Sa kabilang banda, isang lindol na may magnitude 4.6 ang naramdaman sa Surigao del Sur nitong Huwebes ng umaga, apat na araw matapos ang lindol na may magnitude 7.4 na yumanig sa lalawigan noong Sabado, Disyembre 2.
Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang lindol na ito sa ganap na 7:33 ng umaga at matatagpuan ang epicenter nito sa 43 kilometro hilaga-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, kung saan matatagpuan ang epicenter ng lindol noong Sabado.
May lalim na 21 kilometro ang lindol ngayong Huwebes, ayon sa Phivolcs.
Isa itong aftershock ng lindol noong Disyembre 2 na nagmula sa Philippine Trench.
Iniulat naman ng Phivolcs ang Intensity II sa bayan ng Hinatuan at Intensity I sa Lungsod ng Bislig, Surigao del Sur.
Inaasahan ng Phivolcs na walang pinsala o injury mula sa lindol ngayong Huwebes.
Comments