top of page
Search
BULGAR

After makaligtas… SYLVIA, 'DI NA TAKOT MAG-SHOOTING KAHIT MAY COVID PANDEMIC PA

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | November 28, 2020




Abut-abot ang pasasalamat ni Sylvia Sanchez sa nurse na nag-alaga sa kanila ng asawang si Art Atayde noong nagkasakit sila ng Covid-19 nitong Marso hanggang Abril ngayong taon.


Laging nababanggit ito ng aktres kapag nakakakuwentuhan siya, na labis ang pasasalamat niya sa mga frontliners, dahil binibigyan sila ng lakas ng loob habang nakaratay sa kanilang hospital bed.


At nitong isang araw ay dinalaw siya ng nurse na tumutok sa kanilang mag-asawa.

“After 7 mos, nayakap at nagkita din tayo @diannerific. Ang saya-saya ko, kanina ko lang nakita nang husto ang mukha mo dahil mula March 30-April 16, naka-mask ka habang inaalagaan mo ako at asawa ko.


“Habang niyayakap kita kanina, ang sarap-sarap sa pakiramdam na mapasalamatan ka nang buung-buo. Nakakabilib ang dedikasyon mo bilang Charge Nurse sa aming mga Covid patients.


“Maraming-maraming salamat, Dianne, sa pag-alaga, pagmamahal at pagsasabi lagi na 'Kaya mo 'yan, Ma’am Sylvia, ‘wag kang gi-give-up, laban po!' Ilang beses kitang tinanong noon, 'Mabubuhay pa ba ako, Dianne? Makakauwi pa ba ako?' Sagot mo sa akin, 'Opo, magkikita pa kayo ng mga anak mo, hinihintay ka nila kaya palakas at pagaling ka.' Hahaha! 'Kaiyak maalala.

“Isa ka sa mga naging anghel ko habang nasa hospital bed ako at nakikipaglaban kay Covid-19. Maraming-maraming salamat sa 'yo, bagong kaibigan, bagong kapamilya, Dianne Engco. Love you. #frontlinersph #cardinalsantos #family #grateful #thankuLORD"


Sakto naman dahil sa pagbabalik ng Maalaala Mo Kaya o MMK ay gagampanan ng aktres ang karakter ng nanay na namatayan ng anak na doktor dahil sa Covid-19.


“Actually, ang sakit-sakit para sa isang nanay na katulad ko at sa lahat ng nanay. Ito, lagi kong sinasabi, laging dasal ko sa Diyos na ang mga anak ko ang maglilibing sa akin, hindi ako ang maglilibing sa mga anak ko dahil hindi ko kakayanin ‘yun.


“Lahat ng naging problema ko sa buhay, nalagpasan ko, kahit gaano ako ibinagsak ng problema. At sabi ko nga sa Diyos, isa lang ang hindi ko kakayanin, 'pag ako ang naglibing sa mga anak ko. Lahat ng nanay, ganu’n,” pahayag ng aktres.


Mapapanood ang episode ng mag-inang Sylvia at Arjo Atayde sa MMK ngayong Sabado, 8:45 PM, at sa Disyembre 5 mula sa direksiyon ni Dado Lumibao at mapapanood sa A2Z channel sa free TV at digital TV boxes gaya ng TVplus, Kapamilya Channel sa cable at satellite TV (SKYcable channel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, Cignal channel 22, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa TFC, iwant app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.


Samantala, sa tanong namin sa aktres kung hindi ba siya natakot mag-shoot sa new normal, “Hindi. Masaya nga, eh, sa Quezon (shoot).


“Kung paiiralin ko ang takot sa sarili ko, eh, walang mangyayari sa buhay ko. Kailangang tanggapin na nang buung-buo na ito na ang new normal at mag-ingat na lang talaga. Mula Nov. 6-12 kami sa Quezon,” katwiran sa amin ni Ibyang.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page