top of page
Search
BULGAR

After 7 yrs… AIKO AT BF, MAY PLANO NANG MAGPAKASAL

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Nov. 15, 2024



Photo: Aiko Melendez at Cong. Jay Khonghun - IG Ms Aiko Melendez


Sa pitong taong relasyon nina Konsehala Aiko Melendez at Cong. Jay Khonghun ay hindi sila apektado sa kasabihang “seven-year itch” (pagkabagot o dissatisfied sa relationship around 7th year ng relasyon) dahil labis silang nagmamahalan.


Sa ginanap na selebrasyon ng ika-pitong anibersaryo nina Konsi Aiko at Cong. Jay ay isa kami sa mga naimbitahan ng pulitikong aktres bilang nasubaybayan daw namin ang karera niya simula pa noong bata siya at bilang lang ang mga bisita nila sa showbiz at karamihan ay non-showbiz, at siyempre, ang anak nitong si Marthena Jickain, Mommy Elsie Castañeda at kapatid ng aktres at Chief of Staff niyang si Angelo Castañeda.


Ano ang sikreto nina Aiko at Jay dahil kahit pareho silang busy sa kanilang trabaho bilang konsehala ng 5th District ng Quezon City at congressman ng 1st District ng Zambales respectively, umabot sila ng 7 yrs.?


“Okey naman, masaya bilang mag-boyfriend-girlfriend, maraming ups and downs, pero ang importante ay nanatili pa rin ang pagmamahal at respeto at siyempre, ang aming loyalty sa isa’t isa,” bungad ni Cong. Jay.


Napapalakpak naman at sabay tawa ni Konsi Aiko, kaya naitanong namin kung bakit ganu’n ang reaksiyon niya.


“Wala kasi akong problema pagdating sa loyalty sa kanya, ‘yung 7 years namin, parang mas lalo pa kaming nagmahalan sa isa’t isa, ‘di ba? Stand the test of time,” katwiran ng aktres.


“Oo kasi natutunan na naming hindi pag-awayan ‘yung mga petty differences, saka alam na namin kung ano ‘yung ayaw ng isa’t isa. Alam ko na ‘yung mga ayaw niya, so, panay ang adjust ko (biglang napatingin si Aiko sa boyfriend), humaba ‘yung pasensiya ko, pang-unawa ko,” pigil ang tawang kuwento ni Cong. Jay.


“Huy, ano ka, bata pa lang ako, nand’yan na sila sa ‘kin,” paalala ni Aiko sa dyowa na nakangisi na halatang inaasar siya.


Dagdag-biro pa ni Cong. Jay, “Siyempre, mga sacrifices ko (sabay-tingin kay Aiko na nanisi).”

May mabigat na ba silang pinag-awayan?


“Hindi naman maiiwasang may mga selos (itinuro ni Aiko ang BF), lalo na kung nagseselos s’ya,” natawa nang malakas ang aktres/pulitiko.


Sey niya, “Lagi ko namang sinasabi sa kanya na ‘wag magseselos.”


Tawang-tawa si Aiko sa kuwento ng boyfriend na natatawa rin naman at inamin din nu’ng una na mas seloso ito.


“Kasi ako, ‘pag nagseselos ako, tumatahimik lang ako. ‘Pag nagselos ako, siguro, sa isang taon, isang beses ako, tatlong beses s’ya (naloka na naman si Aiko na natatawa),” sabi pa ni Cong. Jay.


“Naku, hindi s’ya nagsasabi nang totoo, nakakaloka,” komento ni Aiko.


Pero binawi rin naman na wala namang dapat pagselosan, “Wala naman, kasi nandu’n ‘yung respect, alam naman n’ya ‘yung ayaw ko, alam ko rin naman ‘yung ayaw n’ya at siyempre, ‘yung respeto ang pinakaimportante. Sa ganu’ng instance, naiiwasan din namin ang mag-away,” pahayag pa ni Cong. Jay.


Sobrang close na ng both families nina Konsi Aiko at Cong. Jay, kaya walang problema on both sides at kasal na lang talaga ang kulang.


“Talagang love ko ‘yung family n’ya, love ko ‘yung mommy n’ya, awayin na ako ni Aiko, ‘wag lang ng mommy niya. Love ko si Andre at si Mimi (Marthena) at mga kapatid n’ya,” sabi pa ni Cong. Jay.


Samantala, sa pitong taong relasyon nina Konsi Aiko at Cong. Jay ay may wedding plans na ba?


“Siyempre, may plano, it’s always there, abangan na lang natin,” sambit ng mapagbirong dyowa ng aktres.


Manggugulat ba si Cong. Jay sa plano niyang pagpapakasal kay Konsi Aiko?


“Actually, s’ya ang manggugulat sa ‘kin,” tumawang sagot nito na ikinatawa rin ni Aiko.


Pero isa ang sinigurado ng dalawa, “Kung dumating ang time, hindi namin ipagdadamot ‘yun, kasama kayo.”


Anyway, ang mga naging bisita nina Cong. Jay at Konsi Aiko ay ang best friends forever niya simula nu’ng bago pa lang sila sa showbiz na si Vina Morales, naging kaibigan sa mga seryeng ginawa na sina Sylvia Sanchez, Beauty Gonzales-Crisologo at asawang si Norman Crisologo, ang manager niyang si Ogie Diaz at ang senatorial candidate na si Chavit Singson.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page