top of page
Search
BULGAR

After 22 yrs., umaming nabuntis ng news anchor…

SARAH, HAPI NA RAW SA MISTER, TODO-PAHIYA PA RIN KAY ARNOLD

ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | September 1, 2020




Labis kaming nagtataka rito kay Sarah Balabagan kung bakit after 22 yrs., heto at muli na namang binuksan ang lumang isyu nila ng broadcaster na si Arnold Clavio. At talagang nagpa-interview pa siya kay Ben Tulfo sa programang Bitag.


Kung totoo nga ang sinabi ni Sarah na napatawad na niya si Arnold at maayos na ang buhay niya ngayon sa piling ng kanyang mister na isang pastor, bakit patuloy pa niyang binabalik-balikan ang nakaraan? Hindi pa ba siya nakaka-move on sa buhay niya ngayon?


Hindi naman siguro tinatalikuran ni Clavio ang kanyang responsibilidad sa kanilang anak. At kung natukso man sa kanya noon ang broadcaster nu'ng nagkakilala sila at 17 yrs. old pa lamang siya, siguro naman, alam niyang may asawa na noon si Igan sa edad nitong 33 kaya hindi siya masasabing niloko nito.


Sabi nga, "It takes two to tango." Pumayag din si Sarah Balabagan sa kanilang bawal na relasyon.


Kung tahimik at maligaya na ang buhay niya ngayon, hindi na sana niya kinaladkad pa at ipinahiya si Arnold Clavio. Nag-usap na lang sana sila ni Igan nang puso sa puso at ipinarating niya ang lahat ng kanyang sama ng loob at tampo.


Mas maganda rin sana kung ang ginawa na lang ni Sarah ay pinagtagpo nang personal si Arnold at ang kanilang anak na ngayon ay 21 yrs. old na.


Matatahimik kaya ang kunsensiya ni Sarah B. sa kanyang ginawang pagbubunyag gayung may isang pamilya naman siyang winasak at sinaktan?


Christian na siya ngayon pero wala pa rin sa kanyang loob ang magpatawad? Hindi namin sinasabing banal na tao si Arnold. May mga kahinaan din siya at may nagagawang kasalanan at pagkakamali. Tiyak na matagal nang pinagsisihan ito ni Igan kaya gusto rin niyang ituwid at makabawi sa iba.


Sa panahon ng kanyang pagiging broadcaster ay marami siyang natulungan thru his IGAN Foundation. At hanggang ngayon ay tumutulong siya sa mga taong nangangailangan. Huwag naman sanang maging judgmental ang iba. 'Yun bang mga bashers na nanggigigil kay Arnold Clavio, eh, sakdal-linis at walang nagawang pagkakamali sa buhay? 'Di ba, may ilang alagad ng simbahan na natutukso at nagkakasala rin?


At si Sarah, masuwerte na nakatagpo ng lalaking tinanggap pati ang kanyang mga anak sa una niyang asawang Muslim. Kaya sana naman ay manahimik na siya at tantanan na si Arnold Clavio. 'Wag na siyang makinig sa mga nagsusulsol sa kanya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page