top of page
Search
BULGAR

After 2 years... Witness na binabagabag ng konsensya, nagsalita na

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 8, 2023


Ang dugo ay itinuturing na simbolo ng buhay. Ang pagdaloy nito sa katawan ng mga tao at maging sa mga hayop ay napakaimportante.


Gayunman, kadalasan sa mga tao ‘pag nakakakita sila ng dugo, nababalot agad sila ng pangangamba. May ganitong pangyayari sa kasong hawak ng Public Attorney’s Office (PAO), ang People of the Philippines vs. Mario Ringbao and Marvin Ringbao (Accused), Marco Paz y Tagum and Raymond Saway y Vidal (Appellants), CA G.R. CR-HC No. 14110, November 12, 2021, na isinulat ni Court of Appeals Associate Justice, Honorable Victoria Isabel A. Paredes (14th Division). Ang nakitang mga patak ng dugo ay nagmistulang tanda ng pagkamatay ng biktima. Narito ang kaugnay na kuwento.


Isang kasong murder ang naisampa sa Regional Trial Court (RTC) ng Imus, Cavite. Ang walang-awang pinaslang na biktima ay si Ronald Bautista. Malalim na ang gabi noong Hulyo 23, 2006, nang nagising diumano sa kanyang pagkakatulog si Anthony Nang dahil sa ingay na narinig niya sa labas ng kanyang tahanan.


Sa kanyang sinumpaang salaysay, inilahad ni Anthony na nakita diumano niya sina Mario Ringbao, Marvin Ringbao, Dante Aquino at Ronald na nag-iinuman sa bahay ng isang nagngangalang Poloy, na nasa likod lamang ng kanyang bahay. Bigla niyang narinig na pumapatak na ang ulan at mayroong umuungol na tila’y nasasaktan, kung kaya’t muling sumilip si Anthony sa labas at nakita diumano ang kapitbahay niyang si Marco Paz na pinapalo ang ulo ni Ronald gamit ang isang matigas na bagay.


Nakaluhod diumano si Ronald at ang kanyang mga kamay ay hinahawakan nina Mario at Marvin.


Nakita rin diumano ni Anthony na sinaksak ni Raymond Saway sa tagiliran si Ronald at nang mapahiga ito ay sinakal diumano ni Marco si Ronald gamit ang isang alambre. Tinakpan diumano ng basahan ang katawan ni Ronald, at agad na umalis ang mga ito. Nang sila ay bumalik, nilinis diumano nila ang pinangyarihan ng krimen, inilagay ang katawan ng biktima sa isang sako at agad na umalis.


Kinaumagahan, pinuntahan ni Anthony ang nasabing lugar ngunit wala na ang katawan ni Ronald at ilang patak ng dugo na lamang ang kanyang nakita. Hinanap din ng ina ni Ronald ang kanyang anak. Kalaunan, ang nakita ay bangkay na ng biktima.


Mayo 9, 2008 o halos dalawang taon ang nakalipas bago nagbigay ng sinumpaang pahayag si Anthony, ayon sa kanya pinili niya diumano na manahimik dahil sa kanyang takot, ngunit naaawa siya sa ina ni Ronald kung kaya’t nagdesisyon siya na sabihin ang kanyang nalalaman.


Sa medikal na pagsusuri ni Dr. Roy Camarillo na noon ay Deputy Regional Chief ng Regional Crime Laboratory Office sa Camp Vicente Lim, Calamba, Laguna, sa hinukay na labi ni Ronald, nakita ang linear fracture sa buto sa leeg ni Ronald na maaari diumano na bunsod ng pagkakasakal dito. Ngunit, mahirap na malaman kung mayroong mga saksak ang biktima base lamang sa skeletal remains nito.


Nang isalang sa hukuman si Anthony, naging taliwas ang kanyang ipinahayag na testimonya. Ayon sa kanya, dalawang lalaki lamang ang nakita niyang nag-iinuman noong gabi ng insidente at dahil madilim noong gabing iyon, hindi niya nakilala ang mukha ng mga nasabing lalaki.


Sina Mario at Marvin ay nanatiling at large, habang patuloy na sinampahan ng kaso sina Marco at Raymond.


Ayon kay Marco, bagama’t kilala niya ang biktima, wala diumano siya noong gabi ng insidente. Noong Hulyo 23, 2006 ay nagsimula siyang mamasukan bilang isang welder sa talyer ng kanyang lola sa Pasay City at dalawang linggo siyang nanatili ru’n. Inaresto siya noong Pebrero 23, 2009 matapos na parahin ng mga pulis ang kanyang sasakyan dahil sa pahayag ni Anthony.

Dagdag pa niya, nagkaroon sila ng alitan ni Anthony noong Abril 27, 2008 dahil sa reklamo nito sa paglalabas-masok ng mga tao sa bahay ni Anthony, at ang ingay na dulot ng mga aso nito.


Mariin ding itinanggi ni Raymond ang bintang laban sa kanya. Nakilala diumano niya si Ronald dahil ang kanilang ina ay kapwa magkakilala, hindi umano sila magkaibigan nito. Dagdag pa niya, nasa kanilang tahanan siya noong araw ng insidente, nalaman na lamang niya ang nangyaring pagpatay kay Ronald dahil sa kanyang ina. Setyembre 9, 2009 nang siya ay maaresto bunsod din sa pagdawit sa kanya ni Anthony. Hindi umano niya kilala si Anthony at nakita lamang niya ito nang tumestigo na sa hukuman.


Agosto 28, 2018 nang hatulan ng RTC para sa salang murder sina Marco at Raymond. Gayunman, ang naturang hatol ay kanilang iniangat sa Court of Appeals (CA) sa pamamagitan ng joint appeal.


Sa muling pag-aaral ng CA sa buong kaso, pinawalang-sala ang dalawang naakusahan dahil sa makatuwirang pagdududa bunsod ng pagkakaiba sa mga ipinahayag ni Anthony sa kanyang salaysay at testimonya sa hukuman.


Ayon sa CA, sa tuwing mayroong ‘di tugma sa nailahad ng testigo sa kanyang sinumpaang salaysay na ipinahayag sa hukuman, ang testimonya sa hukuman ang higit na binibigyan ng timbang.


Ito ay sa kadahilanan na ang nailalahad sa sinumpaang salaysay ay kulang-kulang o kaya naman ay kakulangan sa angkop na pagtatanong ng kumukuha ng salaysay.


Sa kaso nila Marco at Raymond, hindi maisang-tabi ng CA ang pagkakasalungat ng pahayag ni Anthony sa kanyang sinumpaang salaysay na kung saan sinabi niya na nakita at pinangalanan niya ang mga lalaking nag-iinuman noong gabi ng naturang insidente, gayung sa kanyang testimonya sa hukuman ay sinabi niyang dalawang lalaki lamang ang kanyang nakita at hindi niya nakilala ang mga ito sapagkat madilim noong gabing iyon.


Dahil hindi tiyak na matukoy ni Anthony ang identity ng mga lalaki na nakita niya, nabuo ang labis na pag-aalinlangan sa isipan ng CA ukol sa katotohanan ng kanyang mga naging pahayag.


At dahil siya lamang ang natatanging testigo ng prosekusyon at wala ring ibang ebidensya na magtutukoy kina Marco at Raymond na sila nga ang pumaslang kay Ronald, hindi makonsidera ng CA bilang sapat na batayan ang mga pahayag at testimonya ni Anthony upang hatulan ng conviction ang dalawang naakusahan.


Ang bintang na murder ay isang napakabigat na akusasyon na maaaring magbunga ng panghabambuhay na pagkakakulong sa mga akusado, kung kaya’t sadyang kinakailangan na mapatunayan ng prosekusyon na walang bahid ng pag-aalinlangan, ang aktuwal na partisipasyon ng mga naakusahan. Kung hindi makakapagpresenta ng sapat na ebidensya ang prosekusyon ay walang magagawa ang hukuman kundi ipawalang-sala ang mga naakusahan. Ipinaliwanag ng CA, sa panulat ni Court of Appeals Associate Justice Victoria Isabel A. Paredes, “No less than proof beyond reasonable doubt is required to support a judgment of conviction. While the law does not require absolute certainty, the evidence presented by the prosecution must produce in the mind of the court a moral certainty of the accused’s guilt. When there is even a scintilla of doubt, the court must acquit.”


Umaasa kami na makakamit pa rin ni Ronald, ang katahimikan at hustisya. Nawa’y kusang sumuko ang mga tunay na salarin, o kaya naman ay makahanap ng sapat na ebidensya na magtuturo sa mga taong may gawa ng karumal-dumal na krimen upang sa gayun ay mapagbayaran din nila ang walang-awa na pagkitil nila sa buhay ni Ronald.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page