ni Madel Moratillo @News | September 22, 2023
Dismayado ang Public Attorney’s Office (PAO) na nalagay sa alanganin ang kanilang abogado na tumulong sa paggawa ng affidavit ng dalawang environmental activist.
Binigyang diin ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta na bukod sa sulat-kamay na salaysay nina Jonila Castro at Jhed Tamano, personal din silang kinausap ng kanilang PAO lawyer sa Bulacan na si Atty. Joefer Baggay.
Naka-video rin aniya ang panayam ni Baggay sa dalawa bilang patunay na naging maayos ang proseso bago ginawa ang sinumpaang salaysay.
Wala rin umanong pilitan na nangyari at lahat ay ginawa ng dalawa nang kusang-loob.
Ang pahayag ni Acosta ay kasunod ng pagbaliktad nina Castro at Tamano at iginiit sa isang press conference na dinukot diumano sila ng militar at hindi sila kusang-loob na sumuko.
Kasunod nito, may lumabas na artikulo naman na sabi umano ng National Union of People's Lawyers na puwedeng madawit din sa dapat kasuhan ang public defender na tumulong sa paghanda sa affidavit ng dalawa.
Giit ng PAO, ang mga ganitong pahayag ay iresponsable. Ang PAO aniya ay miyembro ng Task Force Balik Loob ng pamahalaan na itinatag para muling bigyan ng pag-asa ang mga rebel surrenderees na muling makisalamuha sa pamayanan.
Comments