ni Anthony E. Servinio @Sports | March 17, 2023
![](https://static.wixstatic.com/media/bd1fd9_6928957bd4cb4f11bd37481a297d507e~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/bd1fd9_6928957bd4cb4f11bd37481a297d507e~mv2.jpg)
Ginulat ng PATTS College of Aeronautics ang defending champion Centro Escolar University, 69-65, sa pagpapatuloy ng 29th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Seniors Basketball Tournament Miyerkules ng hapon sa Pablo R. Olivarez Coliseum ng Olivarez College. Itinapal ng Seahorses ang unang talo sa Scorpions matapos ang 12 sunod-sunod na panalo buhat pa noong huling nabuong torneo noong 2019.
Kumilos ang PATTS sa huling 4 na minuto kung saan gumawa ng pitong sunod-sunod na puntos sina Mark Jayson Morada at Jexter Po upang burahin ang 63-60 lamang ng CEU at agawin ito, 67-63. Sinubukan bumalik ng Scorpions sa tig-isang free throw nina Jerome Santos at Ronrei Tolentino, 65-67, pero sinelyuhan ng dalawang free throw ni Marjun Wahing ng PATTS ang resulta na may siyam na segundong nalalabi.
Si Po ang tinanghal na Best Player matapos ipasok ang lima sa kanyang 11 puntos sa huling apat na minuto. Pinangunahan ang atake ng reserbang sentro Genesis Unas na may 18 puntos at 10 rebound habang 17 puntos si Wahing.
Sa tampok na laro, namayani ang Olivarez College Sea Lions kontra sa bisitang De La Salle University-Dasmarinas Patriots, 87-68. Umabot ng 24 ang lamang maaga sa 4th quarter, 75-51, at napiling Best Player si Louie Vargas na may 14 puntos.
Sa ibang mga laro, naka-shoot ng 3-points na may apat na segundong nalalabi si Mark Nobleza upang buhatin ang Polytechnic University of the Philippines sa 81-80 pagwagi sa St. Dominic College of Asia. Walang duda na si Nobleza ang Best Player sa kanyang 27 puntos.
Dinaig ng Immaculada Concepcion College Blue Hawks ang Philippine Merchant Marine School Mariners, 85-73, sa tapatan ng dalawang paaralan na wagi sa kanilang unang dalawang laro.
Comments